Nasa kamay natin ang desisyon

May 1, 2022 Vic Reyes 227 views

Vic ReyesDAHIL sa isang Lunes (Mayo 9) na ang pinakahihintay na eleksyon, dapat ay 24/7 na alerto ang mga otoridad, lalo na ang mga pulis at sundalo, para masigurado ang kapayapaan at kaayusan sa Pilipinas.

Napakahalaga sa ating lahat ang darating na eleksyon dahil nakasalalay ang kinabukasan ng taumbayan at bansa sa klase ng mga lider na mananalo sa halalan, kasama na ang papalit kay Pangulong Duterte.

Huwag na natin iboto ang mga hindi karapat-dapat na mamuno sa ating bansa dahil baka kung saan lang tayo dalhin ng mga ‘yan kapag sila na ang nasa puwesto.

Tandaan natin na ang mananalong Pangulo, Bise Presidente at 12 senador ay manunungkulan ng anim na taon. Ang iba namang mga opisyal ay manunungkulan ng tatlong taon.

Hirap na tayo sa dami ng mga problema — katiwalian at korapsyon, iligal na droga, kahirapan, kagutuman, kriminalidad, mataas na presyo ng mga bilihin, at kakulangan ng trabaho at pabahay.

Huwag natin ipagbili ang nag-iisa nating boto sa mga bolero at mayayamang kandidato.

Ang P500 o P1,000 na bayad sa ating boto ay sandali lang natin maubos pero ang kapalit ay tatlo o anim na taong paghihirap natin sa pamamalakad ng mga manlolokong pulitiko.

Sa tingin natin, meron pa naman diyang matitinong kandidato na kagaya nina senatorial candidates Chel Diokno, Guillermo Lorenzo “Guilor” Eleazar, JV Ejercito,

Raffy Tulfo, at Manila mayoral bet Honey Lacuna-Pangan.

Kulang sila ng campaign fund pero mayaman naman sila sa mga programang magpapabilis ng socio-economic development ng ating naghihirap na bansa.

Maliwanag na nasa ating desisyon at kamay, sa papamamagitan ng balota, kung ano ang gusto nating mangyari sa ating bansa sa susunod na tatlo o anim na taon.

****

Ang binabantayan ng taumbayan ay kung sinu-sino ang ilalagay ng bagong Presidente na mamuno sa mga mahahalagang departmento, opisina at ahensya.

Sa pagpili ng department o office heads ay dapat marinig ng Malakanyang ang opinyon ng masang Pilipino dahil sila ang maaapektuhan ng desisyon ng mga alter ego ng Pangulo.

Noong nasa Malakanyang si nasirang Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino ay madalas nating marinig sa kanya ito: “Kayo (taumbayan) ang boss ko.”

Pero nangyari ba ito? Sa tingin ng marami ay kabaligtaran ang nangyari dahil maraming desisyon ang gobyerno na lalong nagpahirap sa taumbayan, lalo na sa mga mahihirap.

Nagpatuloy ang pagtaas ng presyo ng “goods and services” na ikinadismaya ng taumbayan.

Kaya dapat i-record natin, sa pamamagitan ng cellular phone at iba pang gadget, ang mga ipinapangako ng mga kandidato para paulit-ulit nating iparinig at ipakita sa publiko kung iba ang gagawin ng mga mananalong publiko.

Sa Pilipinas, maraming magagandang programa at pangako ang naririnig natin kung panahon ng kampanya.

Ang masakit na katotohanan, marami sa mga pangako ay mananatiling pangako lamang hanggang sa susunod na eleksyon.

Pero wala ng magagawa ang taumbayan dahil nasa puwesto na nga sila at kailangang magtiis na lang tayong lahat.

Nakakainis!

***

Matatagalan pa bago mapasama ang Pilipinas sa tinatawag na “industrialized countries.”

Mananatili pa tayong aasa sa sektor ng agrikultura.

At ang dami pa nating nakatiwangwang na agricultural lands dahil sa dami ng mga kababayan nating nasa ibang bansa.

Lahat na yata ay gustong magtrabaho bilang overseas Filipino worker (OFW) dahil sa liit ng kinikita ng mga magsasaka at mangingisda.

Panahon na para palaguin natin ang agriculture sector ng bansa sa pamamagitan ng pagpili ng mga pro-farmer na lider.

Hindi katulad ng ibang mga opisyal na imbes na gumawa ng paraan para mapaunlad ang pagsasaka sa bansa, sila pa ang gumagawa ng problema para may “makulimbat.”

Walang mangyayari sa atin kung walang malasakit sa mga magsasaka at mangingisda ang bagong administrasyon.

Dapat unahin natin i-promote at tangkilikin ang mga produkto natin bago tayo mag-import.

Hindi masama ang umangkat ng mga pangangailangan natin pero huwag tayong mag-import ng mga produkto na meron naman tayo sa bansa, kagaya ng bigas, mais at gulay.

Tulungan natin ang mga kababayan nating nagbubungkal ng lupa at hindi ang mga dayuhang magsasaka.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email:tingnannatin08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE