Default Thumbnail

Nararapat para sa mga guro, ibigay; F2F graduation, payagan!

May 16, 2022 Paul M. Gutierrez 261 views

PaulNAGPANUKALA ang Department of Education (DepEd) na mabigyan ang mga guro ng karagdagang P3,000 para sa mga nagserbisyo noong nakaraang eleksiyon. Partikular ito sa mga guro na nanilbihan nang mas matagal na oras dahil sa mga nasirang vote counting machines (VCMs) at mga SD card.

Nitong nagdaang eleksiyon, nasa mahigit na 600,000 guro at kawani ng DepEd ang nagserbisyo para maisakatuparan ito. Maliban pa dito, ginamit ang mahigit 37,000 pampublikong paaralan bilang voting centers.

Ikinatutuwa natin ang pag-aksyon ni DepEd Secretary Leonor Briones na lumapit sa Commission on Elections (Comelec) para sa interest ng mga guro.

Ipinakikita nito na nararamdaman mismo ng DepEd ang naging sakripisyo ng mga guro at kawani ng kanilang departamento kada eleksiyon.

Pero sa kasamaang palad, kung ating titignan, tila kailangan pang makiusap o manglimos ang DepEd para sa mga naging sakripisyo ng kanilang mga guro at kawani sa Comelec. Hindi ba alam ng Comelec ang ganitong reyalidad tuwing eleksiyon?

Palagi nating nakikita kada eleksiyon na ating hinihila ang mga guro para magsilbi upang maging mas katiwa-tiwala ang ating eleksiyon. Ito ay dahil alam natin at malaki ang tiwala natin sa mga guro bilang ehemplo ng mapagkakatiwalaan natin sa kagandahang asal.

Isipin po ninyo kung hindi mga guro ang nasa eleksiyon? Gugustuhin ba nating mga empleyado ng DOH o DPWH ang nandyan? O PNP at AFP? Malaki po ang respeto natin sa ating mga pulis at kasundaluhan sa paglaban sa krimen at pagtulong sa mga sakuna pero pagdating sa mapagkakatiwalaan sa balota mas pipiliin ko pa rin po ang mga guro.

Pero iba po ang nagiging katotohanan. Sila ang tumatanggap ng mura at galit ng mga botante sa kapalpakan ng Comelec. Sila ang unang-unang napagbubuntunan ng galit at sisi ng mga mamamayan.

Itong nagdaang eleksiyon, gaano karami ang nasirang VCMs at SD Card? Naka-ilang taon na ba ang Smartmatic at nakailang eleksiyon na ito sa Pilipinas pero ganyan pa rin ang nakukuha nating serbisyo? Wala pa rin bang pagkatuto ang Comelec at Smartmatic?

Ngayon pagdating sa mga matatanggap ng mga guro kailangan pang ipalimos? Hindi ba dapat isinasama na iyan sa aktuwal na badyet tuwing eleksiyon?

Dahil sa totoo lang po nakakaawa ang ating mga guro tuwing eleksiyon. Madaling araw pa lang kailangan nasa mga polling precincts na sila at hanggang gabi na iyon. Pagod, init ng mga classroom, init ng ulo ng mga botante na kung sigawan sila ay parang hindi sila mga titser.

Nakakalungkot, hindi ba mga kabayan? Sa tutuusin iyang P3,000 hinihiling ng mga guro ay hindi sasapat sa naging hirap nila. Ang masaklap pa dito ay ang mabibigyan lamang nito kung saka-sakali ay iyong mga nakaranas ng mas matagal na oras sa pagse-serbisyo dahil sa mga nabanggit nating dahilan.

Sa totoo lang po maaaring hindi lahat pera ang habol kaya nagse-serbisyo tuwing eleksiyon kahit na gaano kahirap. Ang iba dyan nagsisilbi upang matiyak na maging malinis ang ating halalan.

Nitong nakaraan napanood natin sa Internet kung paano tumawid ang mga guro sa isang ilog na malakas ang agos ng tubig para lamang maihatid ang election returns. Buwis-buhay po. Ang iba sa kanila muntik nang tangayin ng tubig. Nakakahabag ang kalagayan ng ating mga guro.

Paano po iyon? Dahil hindi nasira ang VCM nila at tumawid lang sila nang buwis-buhay sa ilog wala na silang makukuhang P3,000? Paano yung mga guro na nanilbihan sa mga delikadong lugar kung saan mataas ang tensiyon tuwing eleksiyon? Wala rin silang makukuha dahil hindi naman sira ang VCM nila o SD Card?

Bagamat siniguro naman ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na huwag mag-alala at makakatanggap ng karagdagang honoraria ang mga guro pero ang tanong, magkano? Kailan at, baka naman ilang gives pa yan.

Pero hindi lang naman ito tungkol sa honoraria o pera, tungkol ito kung paano natin binibigyang halaga ang mahalagang papel ng mga guro tuwing eleksiyon. May mga bagay na hindi kayang bilhin ng pera. Maliit na nga lang, pahirapan pa.

***

Napag-usapan na rin lang ang edukasyon, maraming mga graduating students ang nagtatanong kung ‘F2F’ (face-to-face) na rin daw kaya ang patatapos nila sa pag-aaral o ang mga graduation ceremonies?

Para kasi sa kanila, isa ito sa pinakamahalagang yugto sa kanila— yung makapanhik sa entablado para tanggapin ang kani-kanilang mga diploma.

Kung sabagay, sa mga campaign rallies at ‘miting-de-avance’ sa katatapos na eleksyon, nakita naman natin ang kumpulan ng mga tao na hindi naman ipinagbawal kahit pa nga kasalamuha pa rin natin ang pandemya.

Hindi na rin siguro masama kung payagan na ng DepEd at CHED ang F2F graduation, na siya ring “pangarap” ng mga magtatapos at kanilang mga magulang, tama ba, mga kabayan?

Nagbabayad din naman sila ng graduation fee at iba pang gastusin kaya marapat din naman na masulit ang kanilang gastos, tama ba, incoming DedEd secretary Sara Duterte?

Abangan!

AUTHOR PROFILE