Nararapat na ba ang kamay na bakal para sa mga pasaway sa panahon ng delubyo o pandemya?

January 19, 2022 People's Tonight 169 views

TulfoNAKASAAD sa salingang batas o konstitusyon natin na may kalayaan tayong mamuhay ng tahimik, malayang makapagpahayag, mamili ng ating relihiyon, at karapatan na makakilos o gumalaw saan mang dako ng bansa.

Nariyan din ang kalayaan na magdesisyon para sa ating mga sarili.

Pero dahil sa coronavirus pandemic ngayon, nahihirapan ang pamahalaan na pwersahin ang lahat na magpabakuna dahil nga sa karapatang ito.

Pero ang tanong ng mga eksperto, paano na lang kung ang karapatan o kalayaan ng isang tao ay siya namang maglalagay sa alanganin sa buhay ng iba?

Hindi matapos-tapos ang diskusyong ito dahil lahat naman tayo ay may kalayaan o karapatan na mamili o yung tinatawag na “freedom of choice” at protektado ito ng ating konstitusyon.

Nakakalungkot lang isipin na gustuhin man ng pamahalaan at ang mas nakakarami sa atin na mabakunahan na ang lahat ng tao kontra COVID sa bansang ito pero hindi mangyayari dahil nga sa karapatang ito na hindi pwedeng pwersahin ninuman o kahit ng gobyerno ang isang indibidwal na gawin ang labag sa kanyang kalooban tulad nga ng pagpapabakuna ngayon.

Maging ang simpleng paglilikas ng mga tao sa mas ligtas na lugar sa panahon ng bagyo o delubyo ay hindi pwedeng ipilit sa mga tao dahil nga sa karapatang ito na nakasaad pa rin sa konstitusyon.

Kaya malimit pag may bagyo may mga balita na may inanod o natabunan ng gumuho na lupa dahil ilan sa mga ito ay hindi sumunod sa pakiusap ng pamahalaan na lumikas sa ligtas na ligar.

Sagot kasi ng ilan sa kanila na mapalad na nakaligtas, hindi nila maiwan ang bahay o alagang hayop o mga pananim dahil baka nakawin.

Pero ngayon napapaisip ang pamahalaan at ilang mambabatas kung kailangang baguhin na ba ang sangay na ito ng konstitutdyon para sa kaligtasan ng lahat lalo ngayong nasa pandemya ang buong mundo.

Ang problema kasi ngayon ay ang infection o hawaan ng mga tao dahil nga sa coronavirus o COVID na madaling ihawa sa ibang tao na carrier o may sakit na ng COVID.

Ayon kasi sa mga eksperto, kapag bakunado ay protektado ang isang indibidwal sa matinding epekto ng COVID kapag siya ay kinapitan nito kumpara sa walang bakuna na baka mamatay sa nasabing virus kapag kinapitan o tinamaan nito.

Pero sa kabila ng mga babala o paalala ng mga eksperto o dalubhasa, may ilan din kasi tayong mga kababayan na ayaw magpabakuna dahil sa ibat ibang dahilan.

May ilang nagsasabi na labag daw ito sa utos ng Diyos, ang iba naman ayaw magpabakuna dahil eksperiment pa lamang daw ito at baka matulad sila sa Dengvaxia victims.

Ano man ang kanilang dahilan, walang magawa ang gobyerno , maging sa ibang bansa, dahil protektado ang mga mamamayan ng karapatang mamili sa ilalim nga ng saligang batas natin.

Pero ang tanong muli, kung may karapatan silang mamili na hindi magpabakuna, papaano naman iyong karapatan at kaligtasan ng mas nakakarami na pinili na magpabakuna na maaaring mahahawa pa rin dahil sa mga bagong labas o “mutation” ng COVID?

Nasa kamay na ng ating mga mambabatas ang problemang ito at dapat na nilang pag aralan kung napapanahon na bang baguhin ang batas na ito para sa mga susunod na henerasyon.

AUTHOR PROFILE