Nanloloko lang!

November 3, 2021 Vic Reyes 693 views

Vic ReyesPANAHON na para alisin ang patakarang puwedeng umatras ang isang nag-file ng CoC at palitan ng isang ka-partido.

Dapat payagan lang ang “substitution” kung namatay ang naghain ng kandidatura.

Puwedeng umayaw ang naghain ng CoC pero wala ng kapalit para maiwasan ang posibleng “bentahan’ ng puwesto.

Sa mga pilahan nga ay marami ang pipila ng maaga pero ipagbibili ang puwesto kapag mahaba na ang pila.

Palalabasing kamag-anak niya ang papalit sa pila dahil nahihilo o may emergency ang nakapila.

Magdadahilan ang nagbebenta ng puwesto para hindi magalit ang mga sumusunod sa kanya.

Sa tingin ng marami, hindi tama ang pag-atras at pagpalit ng isang nag-file ng CoC.

Huwag natin kalimutan na kada tatlo at anim na taon lang nagkakaroon ng eleksyon sa bansa.

Ang ibig sabihin niyan ay matagal nang pinag-isipan ang pagkandidato.

Tapos aayaw pagkatapos lang nang ilang araw?

Maliwanag na nanloloko lang!

***

Bumababa na ang bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-l9 sa bansa.

Ang maganda nito, dagsa na ang taong gustong magpabakuna laban sa nakamamatay na sakit.

Ang problema naman ngayon, karamihan ay namimili na ng brand ng bakuna.

Kung sabagay, hindi na siguro problema ito dahil mukhang hindi na problema ang pagdating ng iba’t ibang bakuna.

Sana nga pagpasok ng Disyembre ay puwede na tayong mag-enjoy ng husto.

Alam naman ng lahat na ang Kapaskuhan ang pinakamasayang selebrasyon sa bansa.

Isa pa, panahon ng eleksyon ngayon at maraming botante ang makikipasko sa mga kandidato.

Ang kawawa ay ang mga mahihirap na kandidato.

Siguradong magtatago ang mga ito dahil sa walang maibigay sa mga mamamasko,

Pero kahit na walang maibigay basta deserving na kandidato ay huwag mag-alala.

Nag-iisip na ang mga botante.

***

Kapag inalis na ang mga quarantine restriction ay huwag alisin ang checkpoint sa mga lansangan.

Siguradong maraming drayber, lalo na ang mga nagmamaneho ng tricycle ang hindi magbababa ng pamasahe.

Nasanay na silang maningil ng mataas na pasahe.

Pero kapag puwede ng magsakay ng maraming pasahero ay wala ng dahilan para maningil ng mataas na pasahe.

Kailangang bumalik na sa dating pamasahe.

Kaya huwag alisin ang mga checkpoint para sila ang manita sa mga pumapasadang sasakyan.

Maiiwasan pa natin ang posibleng hindi pagkakaunawaan ng pasahero at drayber.

Tama ba PNP Chief Guilor Eleazar?

(Para sa komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0969) 037 7083/email:tingnannatin08@gmail.com.Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE