QCPD

Naniningil ng utang dedo sa pamamaril

June 18, 2022 Melnie Ragasa-limena 291 views

PINAGBABARIL hanggang sa mamatay ang isang 21-anyos na dalaga na maniningil sana ng pautang sa Quezon City, nitong Biyernes ng gabi.

Agad na nasawi ang biktimang si Angieneth Umayam Ferrer, alias “Thay Anne”, 21, vendor, dalaga, at residente ng Purok 2, Outpost, Bayanihan St., Luzon Ave., Bgy. Culiat, Quezon City.

Agad na nadakip ang suspek na si alias “Dodong”, na naninirahan sa Area 6, Luzon Avenue, Bgy. Old Balara, habang nakatakas naman ang kasama niya.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 8:00 ng gabi, Hunyo 17 nang maganap ang insidente sa Namalo covered court, sa Bgy. Old Balara, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Rasul Monib, nagtungo umano ang biktima kasama ang kapatid nitong babae sa Namalo covered court, upang maningil ng utang sa isang “Justine”, na dating live-in partner ng kanilang kapatid na lalaki.

Pero nang makasalubong umano ni Ferrer si “Dodong” ay biglang dinuro-duro ito habang ang kasama nito naman ay lumapit sa biktima, agad na bumunot ng baril saka ilang beses na pinaputukan ang vendor.

Nang duguang bumulagta ang biktima ay tumakas ang mga suspek pero agad nadakip si “Dodong” sa isinagawang hot-pursuit operation nina PCpl. Dionne Paulo Valmores at Pat. James Marshal Morales ng Batasan Police Sation 6 ng QCPD.

Patuloy pang tinutugis ng mga awtoridad ang nakatakas na kasama nito na siyang bumaril sa dalaga.

Ayon sa SOCO (Scene of the Crime Operatives) team na pinamumunuan ni PLt. Aldrin Domingo, ang biktima ay nagtamo ng maraming tama ng bala ng ‘di pa batid na kalibre ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Nakasamsam din ang mga awtoridad ng anim na piraso ng sachet ng shabu sa underwear ng dalaga.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen na posibleng may kinalaman umano sa iligal na droga.