Nang rape dahil pogi

July 14, 2021 Edd Reyes 223 views

NADAKIP ng pinagsanib na puwersa ng Warrant and Subpoena Section, Station Intelligence Section (SIS) at Regional Mobile Force Battalion ng National Capital Region Police Office (RMFB-NCRPO) ang Top 2 Most Wanted Person ng Malabon City Martes ng gabi sa naturang lungsod.

Sinabi ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot na inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Jose Rodil ng Branch 293 sa kasong dalawang bilang na kasong rape ang 21 anyos na suspek sa harap ng kanyang tirahan sa 13 Leono St., Bgy. Tanong, dakong alas-9:30 ng gabi.

Kasama ng mga tauhan ni P/CMSgt. Gilbert Bansil, hepe ng Warrant and Subpoena Section ang mga operatiba ng RMFB-NCRPO sa pangunguna ni P/Capt. Ronilo Aquino at SIS chief P/Lt. Joseph Alcazar nang isagawa ang pagdakip sa akusado.

Ayon kay P/SMSgt. Addrich Reagan De Leon, isa sa mga arresting officers, noon pang nakaraang taon nangyari ang umano’y panghahalay ng suspek sa dalagang biktima na kanyang kaibigan.

Nagkausap umano sa barangay ang pamilya ng magkabilang panig subalit hindi nagkasundo na panagutan ng lalaki ang nangyari dahil nag-aaral pa ng kursong tourism ang suspek.

Bukod dito, mistulang nainsulto pa umano ang pamilya ng biktima, matapos na umano’y banggitin pa ng pamilya ang kagandahang lalaki ng suspek na nakabighani umano ng husto sa dalaga.

Ayon ka Col. Barot, naibalik na ng kanyang mga tauhan ang warrant of arrest sa korte at hihintayin na lamang ang paglalabas ng hukom ng commitment order na nagdedetermina kung saan dapat idetine ang suspek habang hinihintay ang pagsisimula ng paglilitis sa usapin.

AUTHOR PROFILE