Kulong

Nang-holdap, nanggulpi, nanaksak swak sa selda

December 3, 2023 Edd Reyes 203 views

ARESTADO at nasa selda na ang holdaper na gumulpi at sumaksak pa sa biniktima niyang ukay-ukay vendor sa Valenzuela City noong Biyernes.

Sa report ni P/Col Salvador Destura Jr., hepe ng Valenzuela City Police, kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nagpanggap na bibili sa ukay-ukay stall ang suspek na si alyas Aksel, 30, sa Tongco St., Brgy. Maysan.

Tinutukan ng patalim ng suspek ang tinderang si Renalyn, 19, at ipinasok sa banyo at doon na ginulpi at sinaksak ng dalawang beses sa tiyan.

Nang mawalan ng ulirat ang biktima, kinuha ng suspek ang P3,500 na pinagbentahan at tumakas matapos magpalit ng damit.

Nang magbalik ang malay ng biktima, humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay na nagdala sa kanya sa Valenzuela Medical Center bago ipinaalam ang krimen sa pulisya.

Bumuo kaagad ng team si Col. Destura mula sa Sub-Station-9 at Station Intelligence Section (SIS), Station Investigation Unit (SIU) at Detective Management Unit (DMU) para mahuli ang suspek.

Sa ginawang backtracking ng pulisya sa kuha ng mga CCTV sa lugar, nakita ang pagpasok nito sa tindahan pati na ang paglabas na iba na ang suot hanggang sa pagsakay ng tricycle papunta sa construction site na kanyang pinagtatrabahuhan sa R. Jacinto St., Brgy. Canumay.

Doon natimbog ang suspek.

Ayon kina P/Cpl Larry Legazpi at P/SSg Julius Congson, robbery with physical injuries ang inihain nila sa piskalya ng Valenzuela City laban sa suspek.

AUTHOR PROFILE