Nambuntis na nanakit pa!

April 18, 2022 Marlon Purification 69 views

Marlon PurificationHINDI ko dapat patulan ang sumbong na ipinarating sa akin tungkol sa isang 20-anyos na lalaki na nakabuntis ng kanyang kasintahan.

Pero nang mabasa ko complaint sheet, nakaramdam tayo ng awa sa babaing biktima.

Ang suspect na tinutukoy natin ay si John Michael Non Joven, 20, residente ng Makati City.

Ang babaing nabuntis at inanakan nito ay itago natin sa pangalang Onet, 21.

Si Onet ay nanganak noong Setyembre 30 ng nakalipas na taon. Ang anak nila ni John ay isang napakagandang babaing sanggol.

Anghel na sanang maituturing para sa mga magulang ni Onet at John ang pagsilang ng kanilang apo.

Sa reklamo ng biktima sa Malabon City Prosecutors Office, sinabi nitong simula nang siya’y mabuntis, palagi siyang sinasaktan ng suspect.

Pananakit ng pisikal at pananakit ng emosyonal.

Kung saktan siya ng suspect sa pisikal ay kaya niyang tanggapin, pero ang babuyin pati ang kanyang digdinad at pagkatao ay hindi niya masikmura.

“Bobo, tanga at utu-uto,” madalas na umanong sabi ng suspect sa biktima.

‘Puro sarap lang ‘di ba? Sa dami ko nang pinutukan na babae sa loob walang nabuo. FYI, bago mo sabihin sa papa mo na buntis ka, siguraduhin mo muna sa akin yan ah? Tang…., may DNA test pu….,’ text message ng suspect sa biktima.

“Ta….na, katawan lang habol nila sayo, yun ang realidad kaya madalas marami gustong kumausap sayo kasi habol lang nila katawan mo. Maganda ka niyan? Tan……hahaha,” sabi pa nito sa pobreng kasintahan.

Kinatigan ng prosekusyon ang reklamong inihain ng biktima laban sa suspect. Ipinapa-elevate sa korte ang naturang reklamo, base na rin sa paglabag sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004.

Isang warrant of arrest ang inilabas laban sa suspect at sa tulong Makati City PNP, inaresto si Joven noong nagdaang April 11 na mabilis namang nagpiyansa para sa pansamantalang kalayaan.

Ayaw kong palabasin na ubod ng sama si Joven dahil ang sitwasyon nila ng kasintahan ay madalas mangyari sa kahit sinong magkapareha.

Gusto ko lang ibahagi ang kuwentong ito para magsilbing aral sa ating lahat. Hindi lamang sa mga kalalakihan, kundi pati na rin sa mga kababaihan.

Tunay na mapupusok ang ating mga kabataan. Pero hindi dahilan ito upang sila’y maging responsable at sensitive sa mga dapat nilang sabihin sa kasintahan.

Sa nangyari kay Joven, sana’y matuto na ito na hindi manakit ng babae.

Kay Onet naman, alagaan mong mabuti ang anak mo.

Lahat tayo’y nagkakamali, pero iyang kamalian na iyan ang magiging daan natin para matuto tayo sa ating buhay.

Maging challenge sa iyo ang buong pangyayari para sa kinabukasan ng iyong anak.