Nakinabang sa P10K ayuda, higit 10K na rin pala!

September 14, 2021 Paul M. Gutierrez 86 views

PaulHALOS marindi na ang ating mga kababayan sa kaliwa’t kanan at walang habas na banatan ng mga kakandidato para sa 2022 eleksyon.

Puro kuda at dada ang ginagawa ng mga ito sa ngayon para umingay ang kanya-kanyang kampo bago pa man ang filing ng certificate of candidacy ngayong Oktubre 1.

Kumbaga, sa halip na gawan ng paraan ang pagkakaroon ng mas epektibong anti-COVID response, nandyang magbatuhan pa ng mga baho ang ating mga opisyal ng bayan.

Buti pa nga itong si dating Speaker Alan Peter Cayetano eh, solusyon sa mga problema ng bayan ang inaatupag at pinagkakaabalahan lalo na ang kapakanan ng mga iginupo ng COVID-19.

Halimbawa na rito ang kanyang programang Sampung Libong Pag-Asa.

Sabi ng mga miron na nakatutok sa programang ito, umaabot na pala sa 10,458 ang nakatanggap ng P10K ayuda mula kay Cayetano at sa kanyang mga kaalyadong BTS o Balik Sa Tamang Serbisyo sa Kongreso.

At nationwide pala ang pakinabang at nakinabang, mula sa iba’t-ibang sulok ng Pilipinas ang mga nakatanggap na ng 10K ayuda para kahit paano’y makatulong at makaahon sa kanilang pagkakalugmok dahil sa pandemya.

Sa totoo lang napakalaking tulong sa ating mga kababayan ng P10K ayuda na ito batay sa mga success stories na ibinabahagi ng mga benepisyaryo.

Kaya nga hindi natin lubos maisip kung bakit hindi inaaksyunan ng Kongreso ang ‘P10K Ayuda Bill’ ni Cayetano at ng BTS.

Noon pang Pebrero 2021 inihain ito sa Kamara.

Di ba dapat ito ang binibigyang prayoridad ng mga mambabatas lalo pa at medyo malayo-layo pa ang ating lalakbayin para makatawid sa pandemyang ito?

Aber, kahit nga bakuna ay kulang para sa ating mga kababayan.

At bukod pala sa 10K ayuda, namimigay din ang grupo ni Cayetano ng P3,500 sa mga sari-sari store sa buong bansa na naapektuhan din ng pandemya.

Sa ngayon, 2,500 ng mga sari-sari stores ang nakinabang sa programang ito.

Pangunahing layunin ng 10K Ayuda na maiahon at hindi lamang maitawid sa kanilang lugmok na kalagayan ang ating mga kababayan dahil sa pandemyang COVID-19.

Kabilang sa mga benepisyaryo ng 10K Ayuda ang ating mga kababayang nawalan ng trabaho at hanapbuhay, mga naluging malilit na negosyo, OFW’s at seamen, mga atleta at coaches ng ating sports community, entertainers at stand-up commedians, kawani ng food industry, Barangay Health Workers o BHW at iba pang sector ng lipunan.

Hmm. Mabuti na lang at di sumasabak sa kalakaran ng ibang kandidato itong si Cayetano.

Kita nyo naman, na kahit noong kasagsagan ng ECQ at MECQ, tuloy-tuloy pa rin sya sa pamimigay ng 10K ayuda at puhunan para sa mga sari-sari stores.

Walang dudang humahanap siya ng solusyon at gumagawa ng paraan para maisalba ang buhay at kabuhayan ng Pilipino, samantalang ang iba dyan ay puro dada at puro politika lang ang ginagawa.

Tama ba, Romblon “Congressman” Joey Venancio?

AUTHOR PROFILE