Purisima Kinilala ni P/Maj. Rommel Purisima (kanan) chief ng DSOU-MPD, ang nahuling suspek na may mga kasong attempted robbery matapos na isilbi ang kanyang warrant of arrest. Kuha ni Jon-jon Reyes

Nakapiit na suspek timbog uli sa attempted robbery

October 15, 2022 Jonjon Reyes 295 views

DAHIL sa walang tigil at patuloy na pinaiiral ng District Special Operation Unit (DSOU) ng Manila Police District (MPD) ang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO), inaresto muli ang isang lalaki habang nakakulong na sa selda dahil sa panibagong kasong “attempted robbery” nitong Oktubre 15.

Ayon kay Police Major Rommel Purisima, hepe ng DSOU MPD ang suspek ay pawang residente ng Sta. Ana, Lungsod ng Maynila.

Batay sa ulat ni Purisima, pasado alas-10:30 ng umaga, nang magtungo sila sa Sta. Ana Police Station upang isilbi ang arrest warrant sa loob mismo ng selda laban sa suspek.

Ang warrant ay inisyu ni Judge Romeo Rabaca ng MTC (Metropolitan Trial Court) Branch 25 ng Maynila para sa muling pag-aresto sa suspek dahil sa naging kaso niya noong Disyembre 9, 2015.

Gayunman, nadiskubre din ng mga operatiba ng DSOU na ang suspek ay may isa pang kaso at wanted pa rin sa kasong “robbery” na inisyu naman ni Presiding Judge Felicitas Laron-Cananandin ng Regional Trial Court Br. 17 ng Maynila noong Abril 26, 2016.

Dahil dito ang suspek ay kasalukuyang nakadetini sa DSOU at nakatakda itong dalhin sa Manila City Jail upang ipagpatuloy nito ang kanyang pagdinig sa korte.

Agad naman pinuri at pinasalamatan ni MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon ang mga operatiba ng DSOU sa pamumuno ni Purisima dahil walang tigil na paghuli sa mga criminal.

AUTHOR PROFILE