Nakakabinging katahimikan ni VP Sara sa pambu-bully ng China pinuna
Dapat pro-Pinas tayo — mga kongresista.
PINUNA ng mga lider ng Kamara de Representantes ang nakabibinging pananahimik ni Vice President Sara Duterte sa ginagawang pambu-bully ng China sa West Philippine Sea (WPS) at ang pagkakasangkot ng mga Chinese nationals sa mga transnational crime sa bansa.
Iginiit nina House Assistant Majority Leaders Paolo Ortega V (La Union, 1st District), Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur, 1st District), at Jil Bongalon (Ako Bicol Partylist) ang kahalagahan na ipahayag ng mga opisyal ng gobyerno ang suporta sa Pilipinas sa mga isyung nabanggit.
“Parang nakabibingi ‘yung katahimikan,” ani Ortega na pinatutungkulan ay ang pag-iwas ni VP Duterte sa mga isyung may kaugnayan sa soberanya at seguridad ng bansa.
“Lahat naman tayo dito mahal natin ang Pilipinas. Dapat Filipino ang kampihan, dapat pro-‘Pinas tayo,” dagdag pa ni Ortega.
Walang naging pahayag si VP Duterte sa ginagawa ng China laban sa mga Pilipino sa WPS, na paulit-ulit ng kinondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Hindi rin ito nagsalita kaugnay ng mga krimen na may kaugnayan sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na pinaniniwalaang ginagamit ng mga Chinese upang i-launder ang pera mula sa drug trafficking.
Para kay Adiong, chairman ng House Adhoc Committee on Marawi Rehabilitation and Victims Compensation, nakalulungkot ang pananahimik ni VP Duterte.
“Personally, I’m trying to question, why apart from all of these things happening, nagkaroon nga po recently ‘yung flare ng Chinese government in the [WPS], she remains to be silent about it,” sabi ni Adiong.
“She is the second highest public official of the land, next to the President, and her position on these is very important. Whether her silence will be treated as apathy, that would definitely spell out and define the kind of leader that she is,” pagpapatuloy nito.
Sinabi ni Bongalon na dapat ipahayag ni VP Diterte kung siya ba ay pabor sa China.
“Kung ang pinag-uusapan natin ay tungkol na sa soberanya ng ating bansa, expect mo dapat na maglabas man lang siya ng kanyang pahayag, suporta laban po sa China,” punto ni Bongalon.“Pero for the longest time na naging Bise Presidente siya—July 1, 2022 hanggang ngayon, may narinig na po ba kayo na pahayag niya laban sa China? Ang sagot po: wala!”
Kahit na mayroong hindi pagkakasundo sa mga ipinatutupad na polisiya, sinabi ni Bongalon na daoat magkakasama ang mga opisyal ng gobyerno pagdating sa pagtatanggol sa teritoryo at soberanya ng bansa.
“So ano po ba ang ibig sabihin nito? Magtatanong po talaga ang taongbayan, hindi ba mag-iisip sila bakit hanggang ngayon wala pa rin pong pahayag si Bise Presidente Sara Duterte patungkol sa mga isyu dyan po sa [WPS]? Ano po ba ang ibig sabihin nyan? Hindi naman po bobo ang mga Filipino. Alam nila ang ibig sabihin niyan,” sabi ni Bongalon.
“That is why we are calling for our public officials, our co-workers in the government na kung magkakasalungat po tayo sa mga polisiya, sa mga program, pero kung usapin na po sa ating teritoryo at sa ating bansa, dapat united ang ating statement. Sa ngayon, ang ating Bise Presidente po lamang ang wala pong salita o pahayag patungkol sa isyu ng [WPS],” wika pa nito.
Iginit rin ni Adiong ang kahalagahan na manguna ang mga lider na magpakita ng pagmamahal sa bansa.
“Now is the time for all Filipinos to call for patriotism and voice our sentiments in joining this administration’s fight against Chinese aggression, both outside and within our country,” dagdag pa ni Adiong.