Nakabantay ang mamamayan

June 26, 2022 Vic Reyes 61 views

Vic ReyesHINDI lang kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. dumadaan ng matinding “scrutiny” ang mga itinatalagang hepe ng iba’t ibang opisina at ahensiya ng gobyerno.

Pati mamamayan, kasama na ang mga ordinaryong Pilipino, ay nakabantay din sa mga bagong lingkod-bayan na manunungkulan sa susunod na anim na taon.

Ibang-iba na ang panahon ngayon, nandiyan na kasi ang makabagong teknolohiya na kagaya ng mga high tech na computer, cellular telephone at laptop.

Maliban sa diyaryo, telebisyon at radyo, nandiyan din ang paboritong ginagamit ngayon ng milyun-milyong nating kababayan, ang “social media.” Kahit anong oras ay puwedeng iparating sa Malakanyang, Kongreso at iba pang opisina ng gobyerno ng isang ordinaryong Pinoy ang kanyang mga hinanakit at karaingan.

Mabubuko ang mga “kasalanan” ng isang government appointee dahil kahit sino ay puwedeng mag-background check gamit ang “wonders” ng teknolohiya.

Sa dami ng mga mabibigat na problema na kakaharapin ng administrasyon ni Pangulong BBM ay kailangang matitino ang mga itatalagang opisyal ng gobyerno.

Hindi puwedeng “maskipap” o “maski papaano ay may alam ang mauupong hepe ng isang opisina.”

Kailangang alam niya ang trabaho sa opisinang pamumunuan niya para mapabilis ang socio-economic development ng bansa na sinalanta ng COVID-19.

Tama ba kami, Apo BBM?

***

Sa ipinakitang performance ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ay taas noo niyang lilisanin ang “snake-infested waterfront” sa Hunyo 30.

Kahit may kakulangan sa tao at gamit, nagawang iangat ni Commissioner Guerrero, isang dating heneral ng army, ang buwanang revenue collection ng Bureau of Customs (BOC).

Sa tingin ng mga miron natin, kasama na ang mga print at broadcast journalist na nakabase sa aduana, ay nabawasan ang mga kalokohan sa mga pantalan.

Aminado tayo na imposible namang mawala basta-basta ang korapsyon sa aduana.

Ang mahalaga ay nabawasan ang mga kalokohan sa “waterfront community” sa panunungkulan ni Guerrero.

Makikita ito sa mataas na koleksyon ng buwis, taripa at iba pang charges nitong mga nakaraang buwan kahit na nandiyan pa rin ang nakakatakot na COVID-19.

Kung tuloy-tuloy ang ipinapakitang sipag ng mga taga-aduana ay malalampasan nila ang mataas na BOC revenue collection target sa taong ito.

Hindi madaling pamunuan ang aduana dahil maraming tukso at milagro diyan.

Kung sino man ang uupong komisyuner ng Customs, dapat meron siyang sapat na “political will” para labanan ang mga mababangis na ahas sa lugar.

Hindi ba, Finance Secretary Benjamin Diokno?

***

Kagaya nang pinangangambahan ng marami, tumataas na nga ang bilang ng mga tinatamaan ng coronavirus disease o COVID-19 sa Metro Manila at iba pang lugar.

Mabuti na lang at “mild” ang karamihan sa COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) at limang probinsya.

Nakatulong dito ang nationwide vaccination campaign ng gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) at local government units (LGUs).

Mahigit na 70 milyon sa 110 milyong populasyon ng bansa ang nabakunahan laban sa virus na nagpalugmok sa ekonomiya natin nitong nakaraang dalawang taon.

Pero kailangang sumunod pa rin tayo sa mga health at safety protocol na ipinapatupad ng gobyerno kung gusto nating masawata ang pagkalat uli ng COVID-19.

Sabi nga ng mga eksperto, hindi pa tapos ang laban sa virus dahil nandiyan pa rin yan.

Kailangan lang talagang buksan na ang ekonomiya dahil hirap na ang gobyerno at taumbayan.

Malaking halaga ang kailangan ng pamahalaan para mapondohan ang mga importanteng programa at proyekto nito na magpapalago sa ating ekonomiya.

Kailangang magkaroon ng trabaho ang mga kababayan natin, kasama na ang mga libu-libong overseas Filipino worker (OFW) na bumalik sa Pilipinas dahil sa COVID-19.

Ang isa pa, kailangan natin ay “national unity” kagaya ng ipinapanawagan ng papasok na gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. para tuluyan na tayong makabangon.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #09178624484/email: tingnannatin08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE