Drugs Ang suspek sa droga habang iniimbestiga ng mga otoridad. Larawan mula sa Batangas PPO

Nail technician, timbog sa P340K shabu

May 25, 2023 Jojo C. Magsombol 315 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas – Walang kawala ang isang 50-anyos na nail technician matapos maaresto sa ikinasang operation ng mga pulis noong Miyerkules, Mayo 24, sa Batangas City.

Sa ulat ni Acting Provincial Director P/Col. Rainero Magnaye De Chavez kay PRO (Police Regiona Office) Calabarzon (Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) Regional Director P/BGen. Carlito M. Gaces, nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 ng Article II ng Republic Act (RA) 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspek na kinilala sa alias “Jen,” may asawa, at residente ng Taysan, Batangas.

Sa report, pasado alas 12:40 ng umaga nahuli ang suspek sa ginawang buy-bust operation ng mga kasapi ng Batangas PPO (Police Provincial Office) Drug Enforcement Unit (OPD-DEU), Sto. Tomas City Police Station CPS, at Batangas CPS (Community Precinct Station).

Mabilis na inaresto ang suspek ng mga mga operatiba makaraang iabot nito sa poseur buyer ang biniling droga.

Narekober ang dalawang plastic sachets ng shabu na 50 gramo na may halagang P340,000, isang cellphone, at ang markadong salapi mula sa suspek.

Nasa kustodiya na ng Batangas PPO ang nasabing suspek habang inihahanda na ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya.

Sinabi ni De Chavez “Ang droga ay isang sagabal sa pagiging tahimik ng isang lugar kaya makakaasa po kayo na papaigtingin pa ng Batangas police ang pagsasagawa ng mga operasyon kontra iligal na droga para sa isang ligtas at tahimik na Lalawigan ng Batangas.”

AUTHOR PROFILE