Crime

Nagtalo sa inuman, kuya tinarakan ni bunso

January 14, 2023 Zaida I. Delos Reyes 290 views

DAHIL sa mainitang pagtatalo habang nag-iinuman, pinagsasaksak hanggang mapatay ni bunso ang kanyang kuya nitong Huwebes ng gabi sa bayan ng Dumarqo, Capiz.

Ang biktimang hindi na umabot nang buhay sa Dao District Hospital ay 19-anyos, residente ng Barangay Agsirab.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang 16-anyos na suspek na mabilis na tumakas matapos ang pananaksak.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong 8:00 ng gabi (Enero 12) sa bahay ng kanilang kapatid na matatagpuan din sa nasabing barangay.

Lasing umano ang magkakapatid nang biglang magtalo ang dalawa hanggang sa bigla na lamang sinasksak ng kanilang bunso ang biktima.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang batang suspek habang isinugod naman sa pagamutan ang biktima subalit pumanaw rin ito.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.