“Nagkabistuhan” na!

January 7, 2022 Paul M. Gutierrez 231 views

PaulSA pagkamatay ni Menardo Villanueva, aka, ‘Bok,’ ang pinakamatas na opisyal ng CPP-NPA sa Mindanao noong Enero 5, nagbunga ito hindi lang sa pagkawala ng “malaking balakid” tungo sa ganap na tagumpay ng pamahalaan laban sa armadong terorismo, bagkus, ng “malaking takot”—sa hanay ng ilang mga kumpanya at mga indibidwal doon.

Sa ginanap kasing press conference kahapon ng Eastern Mindanao Command (Eastmincom) na dinaluhan ng mga matataas na opisyal ng militar at NTF-ELCAC, nabulgar na bukod sa armas (AK-47) ni Villanueva, nabawi rin ang kanyang ‘backpack’ na naglalaman ng mga importanteng impormasyon.

Halimbawa? Well, dear readers, “halimbawa” dito ay ang isang “listahan” na nagdedetalye ng mga pangalan— at kung magkano ang kontribusyon—ng mga nasabing mga kumpanya at mga indibidwal.

Ayon pa kay 10th Infantry ‘Agila’ Division commander, M/Gen. Jun Torres, naibigay na nila ang nasabing dokumento sa ‘legal cluster’ ng NTF-ELCAC upang masimulan na ang proseso ng pagsasampa ng kaso sa kanila, agh!

Take note, dear readers, hindi na puwedeng “biruan” ngayon ang patuloy na pagsuporta sa mga teroristang grupo dahil nga idineklara nang “ligal” ng Korte Suprema ang RA 11479 o ang ‘Anti-Terrorism Act of 2020’ bukod pa nga sa may bukod na batas laban sa ‘terrorist financing’ o ang RA 10168.

Makailang beses na ring nagbabala ang Bangko Sentral (BSP) na ang mga kumpanyang ‘sleeping with the enemy of the state’ ay “swak” sa imbestigasyon ng AMLAC at puwede pa ngang ‘ma-freeze’ ang kanilang mga bank accounts at iba pang mga ‘assets.’

Ayon pa rin kay Gen. Jun, “nagulat” sila sa nakitang listahan dahil “napakalayo” ng halagang higit P20 milyon na nakasulat doon, kumpara sa kanilang ‘estimate’ na kinita ng CPP-Mindanao noong isang taon na aabot lang sa P1.4 milyon.

***

Matagal nang isyu, dear readers, ang patuloy na “kontribusyon” ng mga dambuhalang kumpanya at mga pulitiko sa ‘Pinas sa kabang-yaman ng CPP-NPA—mining at logging companies, telcos, etc., etc. Aber, sa mga probinsiya pa nga na “malakas” ang NPA, kahit mga “sari-sari stores,” kinikikilan, ehek, nagbibigay din.

Ang kontribusyong ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nagagawa ng CPP-NPA na makapaglunsad ng mga malalaking kilos-protesta laban sa pamahalaan, walang humpay na opensiba ng NPA at makagawa ng tuloy-tuloy at epektibong propaganda laban sa gobyerno, sa loob at labas ng bansa.

Ngayon namang seryoso ang administrasyong Duterte na “lipulin” ang lahat ng galamay at mga sumusuporta sa mga terorista, eh, hindi malayong “pinagpapawisan” na ngayon ang mga management at may-ari ng mga kumpanyang ito, hehehe, ayy, huhuhu!

Inaasahan naman nating sa lalong madaling panahon, isasapubliko na ng militar at ng NTF-ELCAC kung sino-sino ang mga “ogags” na ito, kasabay ng pagsasampa sa kanila ng mga kaukulang kaso.

Naghihintay ang taumbayan, NSA Jun Esperon, sir!

Ilabas na ang listahan, now na!

Abangan!

AUTHOR PROFILE