Default Thumbnail

Nag-suicide ang Philippine movie industry!

October 23, 2022 Allan L. Encarnacion 443 views

Allan EncarnacionHINDI ko lang minsan naisulat sa maraming kolum ang pagkamatay ng industriya ng pelikula at mga Pinoy serye sa mga telebisyon.

Noong mga panahong isinusulat ko ang tungkol dito, medyo humihinga pa ang idustriya, iyong hingang agaw-buhay ang tinutukoy ko.

Ang totoo, kung mayroon mang killer ng industriya, hindi ang K-drama, hindi ang Netflix at hindi rin ang mga Hollywood movies. Self-inflIcted o suicide ang ginawa ng mga director, producers, script writers, mga network owners at ng mismong mga artista kaya nasa state of decomposition na ang industriya.

Sino naman ang gaganahan sa mga klase ng basurang pelikula, sa mga pare-parehong teleserye tungkol sa sampalan, kataksilan, mahirap na yumaman, bastardong anak na naghiganti, yumaman na naghirap pa, maitim dati na pumuti, pinalayas ng mga magulang dahil pabigat pero kalaunan sumikat, katulong naanakan ng amo, kapitbahay na nagkahustuhan pero mayaman si babae, tsuper si lalaki.

Sa madaling salita, nag-uumpisa pa lang ang serye o pelikula, alam mo na ang ending. Masyadong predictable ang genre, walang kaabang-abang. Itong iba naman, pinipilit pahabain ang serye na halatang wala nang maisip kaya basura ang ending.

Pag lipat mo naman sa variety show or noontime show, lahat na kababuyan makikita mo. Iyong pagpapakita ng halikan ng parehong kasarian, iyong singit ng bading na binabandera, iyong natutuwa pa sila sa mga walang kakuwenta-kuwentang gimik na nagsusulong kaimoralan sa live tv.

Kaya nga puwede nating sabihin na ang buong industriya ang killer ng kanyang sariling industriya dahil hindi nila kayang gumawa ng de-kalidad na panoorin.

Kung bakit ang Netflix at mga K-drama and K-movies ang pumapatok ay dahil ang lawak ng avenues for twist. At iyong mga camera shots nila ay alam mong pinag-iisipan at pinaghihirapan.

Kayang-kayang ipasok ng Netflix series at K-series sa loob ng screen ang viewers. Alam nilang iyong mga nanonood ay nagiging bahagi ng conflict at solution kaya hindi bumibitaw sa kanilang panonood.

Ang tanong, bakit hindi ito kayang gawin sa ating mga local series? Ang sagot, mga batugan na sila, kuntento na sila sa “puwede na yan mentallity” at ayaw mag-innovate kahit doon sa pinaka-basic na camera shots man lang. Kung hindi long shots, closeup lang sa mga character, ang tatamad kumuha ng magandang camera shots.

Kayo ang pumatay sa sarili nyo!

[email protected]