Default Thumbnail

Nag-amok na kelot, tiklo sa dalang baril sa Baseco

April 1, 2023 Jonjon Reyes 251 views

ARESTADO ang isang 30-anyos na binata matapos makitaan ng baril sa harap ng isang bar sa Baseco Compound Port Area, Maynila, madaling araw ng Sabado.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rodel Borbe, station commander ng Manila Police District (MPD) Baseco Police Station (PS) 13 ang suspek na may alyas “Buknoy” na pawang residente sa nasabing lugar.

Sa ulat ng pulisya, bandang 3:13 ng madaling araw ng makatanggap ng tawag ang kapulisan sa isang lalaki na nanggugulo o nag-aamok at armado ng baril diumano.

Agad pinuntahan ng mga operatiba ang nasabing lugar upang rumesponde sa diumano’y panggugulo ng suspek at nadatnan itong nagsisigaw habang hawak ang isang baril umano, ayon kay Borbe.

Agad na inaresto ang suspek at nakuha sa kanya ang isang improvised na baril at kargado ng isang bala na hindi pa batid na kalibre.

Kakaharapin ng suspek ang paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at iimbestigahan kung ito’y may iba pang kinasasangkutan na mga kaso, batay sa Baseco PS-13.

Agad namang nagpaabot ng pasasalamat at papuri si MPD Director Police Brigadier General Andre P. Dizon sa mga kapulisan ng Baseco PS-13 sa pamumuno ni Borbe dahil sa agarang pagresponde.

Aniya, “Lalo tayong maghigpit sa pagbabantay sa ating mga area of responsibility lalo na ngayong nalalapit na ang Semana Santa, ugaliing magsagawa ng patrolling operation kahit sa madaling araw upang maiwasan ang anumang klase ng krimen.”

AUTHOR PROFILE