Nadine tanggap na ang titulong ‘Horror Queen’
KAHIT paano ay tinatanggap na ni Nadine Lustre ang titulong “Horror Queen.” Kung ‘yun umano ang gustong ikabit ng publiko sa pangalan niya ngayon, okay na rin.
Sinabi ito ng aktres sa Gomo-powered special cinema screening/mediacon ng latest horror project niyang “Nokturno,” na kasalukuyang napapanood sa Amazon Prime Video.
Ang “Nokturno” mula sa Viva Films at Evolve Studios ang nagsisilbing reunion movie nila ni Direk Mikhail Red, direktor niya sa award-winning Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na “Deleter.”
Ani Nadine patungkol sa bagong titulo, “I’m happy, I’m very honored. Pero parang two films pa lang naman kasi. So parang I feel like it’s too early. I don’t know. Pero kung gusto n’yo akong tawagin na ‘Horror Queen,’ eh, di okay. Thank you!”
Aminado ang aktres na paborito niyang genre ang horror. Mahilig talaga siyang manood ng mga katatakutan, tulad na lamang ng Japanese film na “Imprint,” kaya naman nag-i-enjoy din siyang gawin ito.
“So aside from, you know, manonood ako ng horror movies, natatakot ako sa horror movie, at least, this time around, kasama na ako du’n sa istorya na ’yon,” banggit niya.
“Saka ang fun lang niya, kasi sobrang interesting ng process niya. I mean, aside from the usual process ng filmmaking, for ‘Nokturno,’ maraming prosthetics. Tapos gustong-gusto ko rin ‘yung ‘pag sinasabi ni direk na wala kaming kabatuhan ng eksena. Alam mo ‘yung mga scenes kasi na ganu’n, ’yun ‘yung tinatakot namin ‘yung sarili namin just to, you know, bring the scene alive.
“So sobrang interesting talaga siya sa akin. And I really love the setting. It’s a normal setting. Kunwari sa ‘Deleter’ was an office, ito namang ‘Nokturno,’ bahay. So parang gustong-gusto ko ‘yung nata-tranform siya into something creepy or something na, alam mo ‘yon, something eerie. Yeah, mahilig lang ako sa horror films,” patuloy ni Nadine.
If at all, mas na-challenge umano ang aktres sa pagsu-shoot ng “Nokturno” kesa sa “Deleter” dahil sa paiba-iba nilang location at sa dami ng elements na kasama sa pelikula tulad ng ulan.
“Honestly, I feel like sa ‘Deleter,’ sobrang contained nu’ng location namin, bihira lang kami lumabas ng location namin, usually scenes sa office. Dito sa ‘Nokturno,’ maraming elements na kasama, may ulan, ang daming eksena sa labas. So siyempre, shooting was a bit different. Tapos bumagyo pa,” dagdag paliwanag niya.
Ibinigay ding halimbawa ng aktres ang unang eksena sa tulay kung saan nahirapan ang crowd control team ng production dahil sa dami ng nanood ng shoot.
Naging conscious din umano si Nadine na ’wag magkapareho ang portrayal niya ng characters nina Lyra (‘Deleter’) at Jamie (‘Nokturno’) dahil halos magkasunod na taon ang mga pelikula niyang ito.
Nakatulong naman daw ang film references na ibinigay ni Direk Mikhail kung saan siya humugot ng ideas para sa karakter niyang si Jamie, isang strong-willed overseas worker na babalik sa bayan niyang San Sebastian, kung saan maraming nagaganap na misteryosong pagpatay. Inspired ang kwento nito ng Pinoy folklore characters na mas kilala sa tawag na “Kumakatok.”
Anyway, bukod kina Nadine at Direk Mikhail, dumalo rin si Wilbert Ross sa special cinema screening/mediacon ng “Nokturno” na ginanap kamakailan sa Cinema 18 ng Gateway Mall 2.