
Nadine at Christophe umalma sa ‘rape’ comment ng basher
Nag-react si Nadine Lustre sa isang below the belt at libelous statement ng isang basher.
Sa isang Instagram post ng aktres kung saan ay makikita ang mga larawan nila ng boyfriend na si Cristophe Bariou ay may isang matinding komento na talagang hindi niya pinalampas.
Ibinahagi ni Nadine ang screenshot ng nasabing hate comment at caption niya rito, “One of the many that did not pass the vibe check.”
Mababasa sa screenshot na ibinahagi ni Nadine ang komento mula sa IG user na si @juncarzcruz ang mga katagang, “Sana ma-r*p* ka ng adik.”
Maging ang boyfriend ni Nadine ay inalmahan ang nasabing foul comment. Ni-reshare rin niya sa kanyang IGS ang screenshot nito.
“Imagine if your girlfriend, wife, sister, mother, or daughter were publicly threatened with rape simply for expressing her opinion,” saad ni Christophe.
Kinuyog din ang basher ng fans ni Nadine at sa kasalukuyan ay hindi na mababasa ang nakakawindang na comment nito sa post ng aktres.
Hinala ng fans ni Nadine, supporter ni dating Presidente Rodrigo Duterte ang basher.
Matatandaan kasing nag-post ang aktres ng isang placard kung saan ay tila pumapabor siya sa pagkakaaresto sa dating Pangulo.
Dahil dito, kinuyog siya ng netizens na pinaniniwalaang supporters ni Digong at kung ano-anong masasakit na salita ang ipinukol sa kanya.