Baron

Nadine at Baron big winners sa Star Awards

November 25, 2024 Vinia Vivar 85 views

Sina Baron Geisler at Nadine Lustre ang itinanghal na Best Actor at Best Actress, respectively, sa katatapos na PMPC (Philippine Movie Press Club) 39th Star Awards for Movies.

Ginanap ang awarding ceremony sa Winford Hotel last Sunday, November 24.

Nanalo si Nadine for her performance in the psychological-thriller “Deleter,” habang si Baron naman ay sa para sa kanyang napakahusay ding pagganap sa pelikulang “Doll House.”

Ito ang kauna-unahang Best Actor at Best Actress trophy nina Nadine at Baron mula sa Star Awards for Movies. Nanalo na ang aktor noon sa nasabing award-giving body in 2012 pero bilang Best Supporting Actor for “Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story.”

Sa kanyang acceptance speech ay medyo naging emosyonal si Baron habang nagpapasalamat.

Una siyang nagpasalamat kay Lord sa pagbibigay sa kanya ng talento at passion sa pag-arte.

Pinasalamatan din niya ang PMPC at ang lahat ng mga kasamahan sa “Doll House” including the producer and the director.

Hindi rin niya nakalimutang pasalamatan ang non-showbiz wife na si Jamie Marie Evangelista na aniya ay ‘rock’ at ‘guiding light’ niya.

Nagpasalamat din ang aktor sa niya supporters na aniya ay hindi nagsasawang mahalin siya at suportahan.

“Lalo na ngayon na nag-i-improve na rin — I’m maturing to be — like God has been preparing me to be the best version of myself. And I’m so grateful na lately, ‘yung mga katrabaho ko, nakikita ko ‘yung paghihila nila sa akin paangat sa bawat proyektong ginagawa ko ngayon sa Star Creatives, sa Kapamilya. Maraming salamat sa inyo,” wika pa ng aktor.

Bahagyang naging emosyonal si Baron habang nagpapasalamat.

“Gusto ko lang idagdag na sa mga blessings na dumarating, mas minamahal ko ‘yung craft. I take it seriously at naiintindihan ko na ngayon kung para saan, kung bakit ako plinace ni God dito.

“Isipin n’yo noon, bulakbol, pambababae, at kung ano-anong mga bisyo. Pero ngayon, lahat ng iniipon ko at nakukuha ko sa trabahong ito ay ayun, nabubuhay ko na ‘yung mga anak. Kaya sobrang pasasalamat ko talaga sa industriyang ito,” pahayag ni Baron.

Samantala, inalay naman ni Nadine ang kanyang award sa lahat ng bumubuo ng “Deleter,” kabilang na, of course, ang producer at home studio niyang Viva Films.

Pinasalamatan din ng aktres ang boyfriend na si Christophe Bariou na kasama niya nang gabing ‘yun.

“To my boyfriend, Chris who’s in the audience, thank you for always pushing me when I’m down in the dumps,” mensahe ni Nadine sa BF.

Bukod kina Nadine at Baron, wagi rin si Dimples Romana bilang Best Supporting Actress for “My Father, Myself,” habang si Mon Confiado naman ang Best Supporting Actor (his first Star trophy) para sa “Nanahimik Ang Gabi.”

Nag-tie sa Movie of the Year ang mga pelikulang “Mamasapano: Now It Can Be Told” at “Family Matters,” which means ang mga direktor ng both films na sina Lester Dimaranan at Nuel Naval, respectively, ang hinirang na Movie Director of the Year.

Darling of the Press si Rhea Anicoche-Tan at Movie Loveteam of the Year naman sina JC de Vera at Janine Gutierrez for “Bakit ‘Di Mo Sabihin?”

Si Roderick Paulate ang recipient ng Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award habang ang Ulirang Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera Lifetime Achievement Award ay iginawad kay Robbie Tan, producer at may-ari ng Seiko Films.

AUTHOR PROFILE