Default Thumbnail

Naagawan ng baril kumaripas ng takbo

September 26, 2023 Edd Reyes 241 views

NAGLAHONG parang bula ang 39-anyos na obrero matapos magpaputok ng baril sa gitna ng pakikipag-away sa kanyang kapitbahay noong Lunes ng gabi sa Malabon City.

Iniutos na ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan na tugisin ang suspek na si Alvin Malibiran, ng Block 50, Lot 7, Brgy. Longos matapos kumaripas ng takbo nang maagaw ni Abraham Abrantes, 44, ang dala niyang .38 revolver pinaputok habang nakikipagsuntukan sa nakaaway na kapitbahay.

Lumabas sa imbestigasyon nina P/SSg Bengie Nalogoc at P/Cpl Rocky Pagindas ng Malabon Police Investigation Section na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkapitbahay dakong alas-9:10 ng gabi nang sitahin ni Abrantes ang anak ng suspek dahil sa sobrang paninigarilyo ng kanyang anak.

Hindi ikinatuwa ng suspek ang paninita ng kapitbahay kaya nauwi sa mainitang pagtatalo at suntukan.

Sa gitna ng komprontasyon, binunot ng suspek ang kanyang baril at pinaputok pataas sa pag-aakalang masisindak niya ang kaaway.

Gayunman, biglang sinunggapan ni Abrantes ang baril na hawak ni Malibiran hanggang sa tuluyang maagaw na dahilan upang magtatakbong palayo ang suspek,

Kusa namang isinuko ni Abrantes kay P/Capt. Romel Adrias, hepe ng Police Sub-Station-5, ang naagaw na revolver na may limang bala.

AUTHOR PROFILE