MWPs na live-in partners, arestado

January 20, 2022 Jonjon Reyes 72 views

NAGSANIB puwersa ang Manila Police District at CIDG Quezon City upang maaresto ang maglive-in partners na most wanted dahil sa kasong pagpatay at tagumpay na naihain ang arrest warrant laban sa dalawa sa tinitirhan nilang bahay sa Tondo, Manila, Miyerkules ng hapon.

Nasa top 1 at top 2 most wanted at walang piyansa sa maglive-in na nakilalang sina Bibiano Alibadbad Y Verano, 24, tricycle driver at ang menor de edad nitong kinakasama na itinago sa pangalang “Glenda”, 17 anyos kapwa residente ng 420 Camachele sa panulukan ng Carlos Pacheco Garcia St. sa Brgy.118, Tondo.

Sa report ng pulisya, nagtungo sa nasabing himpilan ng pulisya ang team ng Criminal Investigation and Detection Group ng Quezon City na pinangunahan ni P/Lt. Col. Manolo Salvatierra, bitbit ang warrant of arrest na inisyu ni Hon. Rodrigo Ido Del Rosario, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Br.114 ng Angeles City Pampanga, dahil sa kasong murder.

Nag-ugat sa pagkakaaresto ng maglive-in, nang umano’y mapatay nila ang dating kasamahan sa construction dahil umano pinagsasamantalahan ng biktima ang kinakasama ng suspek, kaya pinagtulungan nila itong patayin.

Nabatid sa pagsisiyasat ng pulisya, nag-inuman pa ang suspek at biktima sa isang barrack ng ginagawang Skyway 3 Project sa Pandacan.

Dahil dito, matapos isagawa ang krimen, nagtago na ang dalawa at dahil sa isang impormante natunton ang kinaroroonan ng mga ito kaya bumuo ng team ang CIDG Quezon City at nakipagkoordina sa MPD Station 10. Nina Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE