MWP tiklo; 4 pa sa ilegal na droga sa SACLEO

October 31, 2022 Jonjon Reyes 168 views

DAHIL sa patuloy ang pinaiiral na “Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation” (SACLEO), isang ginang na nasa top 4 na “most wanted person” (WMP) ang binitbit ng mga operatiba ng Intel and Warrant Section ng Manila Police District (MPD) dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga sa Sampaloc, Maynila.

Bukod sa kasong Republic Act 9165, Article ll (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), nahaharap din ang ginang sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act (RA 10175) at theft sa ilalim ng Article 308.

Ayon kay P/Lt. Col. Wilson Villaruel, bagong talagang station commander ng MPD Sampaloc Police Station 4, ang suspek ay pang-apat sa “most wanted list.”

Samantala, hindi napigil ng bagyong “Paeng” ang pagsugpo sa kriminalidad ng kapulisan ng Maynila matapos maglunsad ng buy-bust operation ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Sampaloc Police Station.

Apat na katao ang natimbog ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Maj. Val Valencia, kasama ang isang ginang na nakuhanan din ng ilegal na droga na nasa street value na P20,400.

Ayon kay Valencia, patuloy ang kanilang ginagawang operasyon laban sa droga sa direktiba na rin ni MPD Director Brig. Gen. Andre P. Dizon at ang programa ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Jonnel Estomo na “Seen, Appreciated and Felt by the people through Extraordinary actions” (S.A.F.E.).

AUTHOR PROFILE