Default Thumbnail

‘MWP’ sa Region 8 tiklo sa Paranaque

January 8, 2023 Edd Reyes 194 views

NADAKIP ng pulisya nitong Sabado ng hapon sa ikinasang manhunt operation sa Paranaque City ang itinuturing na Top 8 most wanted person ng Region 8 sa Visayas matapos magtago sa Metro Manila.

Sa tulong ng mga tauhan ng Southern Police District-District Intelligence Division (SPD-DID) at Paranaque Police Station Intelligence Unit, natunton ng mga tauhan ng PNP-Anti-Kidnapping Group Visayas Field Unit at Special Operations Group (SOG) ng Police Provincial Police Office (PPO) ng Leyte si Ruel Esmale, 38, na isa sa itinuturing na most wanted person ng Region 8 na nahaharap sa limang bilang na kasong rape.

Sa ipinadalang ulat ni Paranaque Police Chief P/Col. Renato Ocampo kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, natunton ang akusado sa isang construction site sa Top Coastal Luxury Residence sa Lot 46, Block 2 Brgy. Tambo, Paranaque City dakong alas-5:30 ng hapon habang nagtatrabaho bilang construction worker.

Inaresto si Esmale sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Catherine Jane Lopez Vanilla ng Regional Trial Court 8th Judicial Region, Branch 15 ng Burauen, Leyte na inilabas nito lamang Setyembre 7, 2022 para sa limang bilang na kasong rape.

Napagkalooban si Esmale ng hukuman ng piyansang tig-P180,000 sa bawa’t isang bilang ng tatlong kasong rape para sa pansamantala niyang paglaya habang wala namang piyansang iinirekomenda para sa nalalabi pang dalawang bilang na kasong rape.

Sinabi ni Col. Ocampo na pansamantalang nakapiit sa SPD Custodial Facility si Esmale habang kinukumpleto pa ang mga kinakailangang dokumento para sa tuluyang paglilipat sa kanya sa pangangalaga ng Regional Intelligence Unit 8 ng Leyte.

Pinapurihan naman ni BGen. Kraft ang SPD-DID at Paranque Police sa mabilis na pagtugon sa tulong na hiningi ng PPO para sa agarang pagdakip sa akusado. Jan. 08, 2023

AUTHOR PROFILE