Default Thumbnail

Multi-linguwal na edukasyon ang utos ng sambayanan

July 23, 2022 Magi Gunigundo 1222 views

Magi GunigundoSINABI ng Korte Suprema na ang multi-linguwal na edukasyon( pagggamit ng unang wika ng bata sa kanyang edukasyon), na makabuluhang sentro ng K to 12 Law, ay tumatalima sa utos ng sambayanang Pilipino sa Section 7, Article XIV, 1987 Konstitusyon ( CoTesCup v Secretary of Education GR No.216930 , Oct 9,2018).

Hindi tulad sa 1935 at 1973 Konstitusyon, kinikilala ng sambayanang Pilipino sa 1987 Konstitusyon ang kahalagahan at bisa ng ating mga sariling wika sa ating pag-unlad, at lalo na sa edukasyon para sa ating mga anak. Bagay na bagay sa atin mga Pilipino, na may sari-saring mga wika tulad ng Binisaya, Hiligaynon, Kiniray-a, Binukid, Aklanon, Iloko, Capampangan, Bikolnon at iba pa, ang multi-linguwal na edukasyon na inklusibo at walang minemenos na wika. Hindi maaaring isantabi ang mga wikang Pilipino para lang sambahin ang English na inaakala ng marami ay mabuti at nagsisilbing lubid sa pag-ahon sa kahirapan, sapagkat isa itong pagbibigay lamang na naman sa mga anak ng mayaman at may kapangyarihan sa mga anak ng naghihikahos at dukha. Walang ano mang katiting na “unity” sa ganyan perspektibong pinapanatili ang agwat ng may kaya sa mga wala sa larangan ng edukasyon.

Ang Konstitusyon ng isang bansa ang pangunahing dokumento na naglalalaman ng kasunduan at mga utos sa pagitan ng soberanyang mamamayan at ng pamahalaan na itinatag nila.

Ang isang Konstitusyon ay may mga sumusunod na tungkulin o layunin: 1. upang itakda ang permanenteng sistema ng pamahalaan, italaga sa iba’t ibang departamento ang kani-kanilang kapangyarihan at tungkulin; at magtatag ng ilang tiyak na mga prinsipyo na pundasyon sa operasyon ng pamahalaan; 2. upang pangalagaan at itaguyod ang pampublikong kapakanan, na kinabibilangan ng kaligtasan, ari-arian, kalusugan, at kaligayahan ng mga tao; 3. upang protektahan ang buhay, kalayaan at ari-arian ng mga indibidwal na mamamayan sa pamamagitan ng pagtatalaga at paglilimita sa kapangyarihan ng pamahalaan. ( Defensor- Santiago, Constitutional Law Text and Cases, Vol 1, 2016 ed.; Isagani Cruz, Constitutional Law, 2007 ed.).

Sinasabi sa Words and Phrases, Vol 2, p 1462, na ang “Konstitusyon” ay hindi simula ng isang bansa, o siyang pinagmulan ng mga karapatan ng mga mamamayan, o bukal na pinagmumulan ng mga batas, o ng nagsisimulang estado ng pamahalaan. Hindi ito nagbibigay ng mga karapatan sa mga tao, ngunit ito ay nilalang ng kanilang kataas-taasan at malayang kapangyarihan upang magsilbing kasangkapan ng kanilang kaginhawahan at kaligayahan. Dinisenyo nila ito para sa kanilang proteksyon sa pagtatamasa ng mga karapatan at kapangyarihang taglay nila bago pa ginawa ang konstitusyon. Ito ay balangkas ng operasyon ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan, at kinakailangang nakabatay sa mga dati nang karapatan, gawi , paniniwala at paraan ng pag-iisip (Tesorero ng Estado v County). Ito ay maaaring palitan o amyendahan lamang ng mga mamamayan sa paraang dinikta nila (Bates v Kimball).

Ang isang mabuting Konstitusyon ay hindi dapat nagagalaw ng panandaliang kasabikan , o popular na kapritso o di kaya’y pagsinta ng iilan para walang patid at tuloy tuloy ang daloy ng katatagan ng bansa. Pinapaubaya ang Konstitusyon sa lakas ng mga tao-hindi sa kapritso ng mga tao o sa lakas na umusbong sa kasabikan o silakbo ng dugo. Ang pamamayani ng maliwanag at mahinahon na pag-iisip ang tanging bagay na dapat bigyan ng bisa upang ang pamahalaan ay mapanatiling ligtas sa mga pagtatangka na baguhin ang konstitusyon. Ang mga panukalang pagbabago sa gobyerno ay dapat katakutan at pagdudahan, maliban na lamang kung ang benepisyo ng tinutulak na pagbabago ay tiyak na tiyak at hindi ispekulasyon o haka-haka lamang. Sabi nga ni Montaigne: ang lahat ng mahusay na mutasyon ay nagpapanginig at nagpapagulo sa isang estado , ngunit ang kabutihan ay hindi siguradong kasunod ng kasamaan; maaaring pumalit ang isa pang kasamaan na mas masahol pa sa dati( Ives v South B.R.Co. 201 N.Y. 271 [1911], binanggit sa aklat ni Defensor-Santiago).

Sa ilalim ng doktrina ng constitutional supremacy, pinakamakapangyarihan at nakahihigit ang Konstitusyon sa lahat ng mga batas na gawa ng lehislatura at utos ng ehekutibo at kayang pawalang bisa ang mga batas at utos kung lumalabag sa anumang pamantayan ng Konstitusyon.

Sa ilalim ng doktrina ng “judicial review,” tanging hukuman lamang ang may kapangyarihang magdeklara na ang isang batas na ginawa ng lehislatura o ng isang kautusan ng ehekutibo ay walang bisa sapagkat ito ay labag sa konstitusyon.

Ang utos ng sambayanang Pilipino ay gamitin ang mga wikang Pilipino sa edukasyon. Karapatan ng bawat estudyante na gamitin ang kanyang sariling wika sa loob at labas ng silid paaralan sa kanyang pag-aaral at pag-unlad bilang indibiduwal na may dignidad.

AUTHOR PROFILE