Default Thumbnail

Mukhang tama sila Voltaire at Agabin

November 27, 2022 Magi Gunigundo 484 views

Magi GunigundoTINANGGIHAN ng Pilipinas ang rekomendasyon ng UN Human Rights Council na gawing ligal ang same sex marriage, aborsyon at diborsiyo sa bansa. Sinabi ng Kalihim ng Katarungan na “hindi katanggap-tanggap” ang mga naturang rekomendasyon sa nakaraang Universal Periodic Review (UPR) sa Geneva, Switzerland dahil salungat ito sa ating pamantayan at kulturang Kristiyano.

Ano ba ang kahulugan ng bansang “Kristiyano”? Ito ba ay panlabas na anyo lamang na mapagmamasdan sa naglipanang mga simbahan ng iba’t ibang sekta ng Kristiyanismo sa buong kapuluan.

Nagkalat ang mga Bibliya sa iba’t ibang wika at bersyon ng salin ( English Standard Version, New International Version, King James Version, atbp). Walang buwan na walang piyesta. Enero pa lang pista na ng itim na Nazareno, Sto Nino at sinulog. May nagpapapako pa sa krus kung mahal na araw. Puro ritwal at tradisyon?

Kay raming organisasyon maaaring salihan para sa may boses sa koro , kalalakihan ( Knights of Columbus), kababaihan ( Mother Butler, Catholic Womens League) at para sa mga mag-asawa( Couples for Christ, Marriage Encounter). Malayang makapangangaral ng salita ng diyos sa kalsada, telebisyon, radyo at maging sa youtube at facebook live.

Ang bansang pinangangalandakan na ang kanyang lipunan ay binubuo ng mga tagasunod ni Kristo ay kapansin-pansin ang mga kilos at ugali na malayo at kabaligtaran ng aral ni Kristo na magmahalan at magpatawad. Siyang-siya at nagtatatalon sa tuwa sa mga nakahandusay na patay na nanlaban daw noon kainitan ng digmaan laban sa iligal na droga ng nakalipas na administrasyon. Naghahagikgikan habang nagbibiro ang dating Pangulo tungkol sa magandang dilag na nais niyang gahasain . Nagpapalakpakan habang minumura ang Papa, ang pinuno ng Simbahang Romano Katoliko. Kristiyano pero nagbebenta ng boto at di sinisita kung saan nagmumula ang bumabahang pera ng mga dinastiyang pulitikal sa halalan. Kristiyano daw pero puro marites at grabe kung mag-sharon sa handa ng kapitbahay na dapat ay mahalin tulad ng pagmamahal sa sarili. Walang pagmamahal sa kalikasan na dapat ay inaalagaan. Masahol pa sa pagano ang ugali. Ipokritong tao ba ang isang Kristiyanong Pilipino? Ginagamit si Kristo kung kailan lang makakabuti ito sa kanya?

Mariin ang deklarasyon ni Prof Pacifico Agabin , na noon panahon ng mga sinaunang Romano, “ang pilosopiya ng batas ay hindi umuunlad kung ang batas ay pangunahing nakabatay sa mga relihiyon.” Naninigas ang proseso ng pag-iisip dahil sa pangamba at takot sa walang hanggang kapahamakan para sa mga taong nagpapanukala ng batas na salungat o lihis sa tinuturo ng simbahan ayon sa interpretasyon ng mga mangkukulam o mga manggagamot na nagbabalatkayo bilang mga pari. Walang gaanong kalayaan para sa independiyenteng pag-iisip, lalo na para sa pagtatanong sa kung ano o kung bakit ganoon ang mga tuntuning itinakda ng paring umaastang lingkod ng Diyos.

Si Voltaire, sagisag-panulat ni François-Marie Arouet, (isinilang – Nobyembre 21, 1694,—namatay Mayo 30, 1778), ang pinakadakila sa lahat ng manunulat na Pranses. Siya ay patuloy na pinaparangalan sa buong mundo sa krusada laban sa paniniil, pagkapanatiko, at kalupitan.

Naniniwala si Voltaire sa Diyos ngunit ang sa kanya ay isang malayo, at deistikong Diyos. Dahil sa paghanga kay Newton, naniniwala si Voltaire na ang mundo ay isang mekanistikong uniberso na nilikha ng Diyos at pagkatapos gawin ito ay tumabi at hinayaan itong tumakbo ng kusa. Kinasusuklaman ni Voltaire ang lahat ng uri ng hindi pagpaparaya ng mga relihiyon, na madalas na humahantong sa panatisismo na ginagawang panlinis sa mga kasalbahian at kalupitang hindi makatao tulad ng naganap sa Spanish Inquisition, sa mga Banal na Krusada, at kolonisasyon batay sa mga Papal Bull na inutusan ang mga kaharian sa Europa na lupigin at kamkamin ang mga lupain pinamamahayan ng mga pagano at gawing alipin ang mga taong ayaw magpabinyag bilang Kristiyano. Kasama na ang Pilipinas, Mexico at Peru dito noong ika-16th siglo.

Si Voltaire ay naniniwala sa kalayaan sa relihiyon, tutol sa organisadong relihiyon at Katolisismo. Para sa kanya,ang Bibliya ay isang metaporikong moral na sanggunian na lipas na at nilikha lamang ng tao. Sa halip, siya ay naniniwala na ang pagkakaroon ng Diyos ay hindi isang bagay ng pananampalataya (at samakatuwid, ay hindi batay sa isang partikular na pananampalataya), ngunit ng katwiran. Si Voltaire ay sikat sa kanyang sinabi, “Kung ang Diyos ay hindi umiiral, kinakailangan imbentuhin SIYA.”

Walang tiwala si Voltaire sa demokrasya na tinawag niyang “idiocy of the masses” at naniniwala na sa tulong ng mga pilosopo, ang isang naliwanagang Hari ay mapapabuti ang kayamanan at kapangyarihan ng bansa .

Sa kasaysayan ng mundong ito, ang taong may hawak ng bibliya ang tagapagtaguyod ng kasalbahian at kalupitan. Bago latiguhin ang itim na alipin, magdarasal muna ang amo at babasahin ng malakas ang mga talata mula sa Genesis 21:9-10, 24-27; Exodus 20:10,17; Ephesians 5:22, 6:5-8 ; 1 tim 2:11-15 , Colossians 4:1; at Philemon 12. Si Pablo ay kailanman hindi kinondena ang sistema ng alipin at isang obligasyon ng Kristiyano ang sumunod , walang tanong tanong o batikos, sa pamahalaan na itinatag ng Diyos. Kay dilim ng mundong ito kung hindi pinairal ng mga tao ang isip para buwagin ang sistema ng alipin at patalsikin sa puwesto ang mga magnanakaw sa pamahalaan. Mukhang tama sila Voltaire at Agabin.

AUTHOR PROFILE