
MTCP kinalampag Senado sa nakabinbing batas
NAGTIPON-TIPON sa harap ng gusali ng Senado ang malaking grupo ng mga motorcycle taxi riders mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa upang ipanawagan ang mabilis na legalisasyon ng motorcyely taxi Martes ng umaga.
Ayon kay Romeo Maglunsod, Chairman ng Motorcycle Taxi Community Philippines (MTCP), hinihiling nila kay Senate Committee on Public Services Chairman Senator Raffy Tulfo na bigyang prayoridad ang limang taon ng nakabimbing pilot program ng motorcycle taxi na aniya ay malaki ang maitutulong upang mapabuti ang urban mobility at makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa ekonomiya.
“Naniniwala kami na si Sen. Raffy Tulfo, isang tunay na kakampi at kasama ng mga manggagawang Pilipino, ay ang panibagong pag-asa ng bawat rider at pasahero upang opisyal nang makilala ang transport service na ito sa ating saligang batas,” ani Maglunsod.
Mula pa noong 2019, ang mga motorcycle taxi na kinabibilangan ng tatlong motorcycle taxi-hailing services na may kabuuang 45,000 ay nag-ooperate sa ilalim ng isang pilot program sa Metro Manila na layuning suriin ang kakayahan at kaligtasan ng motorcycles-for-hire bilang isang pampublikong transportasyon.
Ayon kay Maglunsod, ang pagpasa ng MC Taxi Law ay makakapagbigay ng malaking tulong sa mga mananakay upang mas magtiwala sa paggamit ng motorcycle taxis bilang abot-kaya, ligtas, at maaasahang transportasyon.
Bukod dito, binigyang-diin din ni Maglunsod na ang mga motorcycle taxi ay isang praktikal na solusyon sa problema ng trapiko sa kalungsuran dahil sa kakayahan nilang makalusot sa masisikip na kalsada, kaya’t mas mabilis ang biyahe sa mga mataong lugar.
Nagpahayag na rin aniya ng suporta si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at maging si House Speaker Marin Romualdez sa legalisasyon ng mga motorcycle taxi upang mapalawak ang mga option sa transportasyon para sa mga commuter, driver, at maliliit na negosyo pati na rin pagbabago ng regulasyon ng transport network vehicle services, bilang isang “priority measure”.
Sa kabila ng malawakang suporta, nananatiling nakabinbin ang batas na ayon kay Maglunsod ay maaaring makasagabal sa progreso ng industriya at sa potensyal nitong mag-ambag sa paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng kabuhayan.