MRT-3 nakapagserbisyo ng 309,235 pasahero

April 2, 2022 Jun I. Legaspi 251 views

NAKAPAGSERBISYO ng kabuuang 309,225 na pasahero ang Metro Rail Transit 3 (MRT-3) Biyernes, Abril 1, 2022, ang pinakatamaas na bilang ng mga commuters na sumakay ng tren simula nang magbalik-operasyon ito noong Hunyo 1, 2020.

Ito ay resulta ng pagpapatupad ng LIBRENG SAKAY sa MRT-3 at pagpapatakbo ng 18 3-car CKD train set, dalawang 4-car CKD train set at isang Dalian train set sa mainline.

Ang 4-car CKD train set and Dalian train set ay tumatakbo tuwing morning peak hours mula 7 a.m. hanggang 9 a.m. at afternoon peak hours mula 5 p.m. hanggang 7 p.m.

Nasa 18-21 naman ang average train sets na napapatakbo ng MRT-3 sa main line.

Sa kabilang banda, pinataas din ang passenger capacity ng bawat tren na kayang makapagsakay ng 1,576 na pasahero kada train set, at mayroong 394 na pasahero kada train car.

Matatandaan na nasa 250,000 hanggang 300,000 mga pasahero ang sumasakay sa MRT-3 kada araw bago magsimula ang pandemya noong Marso 2020.

Sinimulan namang patakbuhin sa bilis na 60kph ang mga tren ng linya noong ika-7 ng Disyembre 2020 at nabawasan din ang average headway o oras sa pagitan ng mga tren mula 8.5-9 na minuto sa 20 tren, pababa ng 3.5-4 minuto.

Aarangkada ang LIBRENG SAKAY para sa mga pasahero hanggang Abril 30, 2022.

Samantala, mahigpit na ipinatutupad ang minimum public health and safety protocols sa buong linya, gaya ng pagbabawal sa pagkain, pag-inom, pakikipag-usap sa telepono, at pagsasalita sa loob ng mga tren. Mahigpit ding ipinatutupad ang pagsuot ng face mask samantalang boluntaryo ang pagsuot ng face shield.

AUTHOR PROFILE