Dizon Si Manila Police District (MPD) Director Andre P. Dizon (kaliwa) habang nakikinig sa mga inilatag na seguridad ng mga sementeryo at ng mga dadalaw ni Sta. Cruz PS 3 Station Commander P/Lt. Col. Ramon Czar Solas, Lunes ng umaga, Okt. 31. Kuha ni Jon-jon Reyes

MPD tiniyak ang seguridad sa mga sementeryo sa Undas

October 31, 2022 People's Tonight 112 views

PINANGUNAHAN ni Manila Police District (MPD) Director Police Brig. Gen. Andre P. Dizon ang pangangasiwa sa deployment ng mga police personnel sa Manila North Cemetery katuwang si Sta. Cruz Police Station (PS) 3 Commander P/Lt. Col. Ramon Czar Solas, Lunes ng umaga bago pa man bumuhos ang mga dadalaw sa nasabing sementeryo para sa Undas.

Naka-antabay naman bilang suporta ang mga pamatay sunog, ambulansiya at maging ang mga e-trike at wheelchair na para sa libreng sakay sa mga senior citizen, PWDs (persons with disabilities) at mga buntis na papasok sa sementeryo.

Mahigpit na ipinababawal ang magpasok ng mga anumang matutulis at matatalas na bagay sa loob ng sementeryo maging ang mga pabango, lighter, baraha, at mga maiingay na bagay tulad ng karaoke at mga Bluetooth speaker upang hindi makabulahaw sa ibang mga dadalaw sa kanilang mahal sa buhay maliban sa bulaklak at kandila na siya lamang na pinapayagan dalhin sa loob ng sementeryo.

Nagtungo rin ang MPD chief sa Manila South Cemetery kung saan nagbabantay din ang mga kapulisan ng MPD Stn. 6 ng Sta. Ana at MPD Stn. 9 ng Malate na pinamumunuan naman nina P/Lt. Col. Orlando Mirando Jr. at P/Lt. Col. Salvador Tangdol.

Maging ang Chinese at La Loma Cemetery ay pinuntahan ni Dizon upang tingnan ang sitwasyon at inilatag na seguridad ng mga Filipino-Chinese na dadalaw din sa kanilang mga mahal sa buhay at mga Manilenyo na magtutungo naman sa La Loma. Naka-alerto naman ang grupo nina P/Lt. Col. Jonathan Villamor ng MPD Stn. 7 at P/Lt. Col. Rexson Layug ng MPD Stn. 11 sa kanilang nasasakupan.

Ayon pa kay Dizon, maliban sa mga MPD Auxiliary at non-government organizations (NGOs) na katulong ng mga kapulisan ng Maynila, nagpakalat din ng mahigit sa 1,000 mga kapulisan mula sa labas at loob ng mga sementeryo para tiyakin at masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan habang nagdiriwang ng All Saints’ Day at All Souls’ Day sa Lungsod ng Maynila.

AUTHOR PROFILE