Ibay Ginawaran ng “Papuri ng Parangal” ni Chief District Directorial Staff P/Col. Arnold Thomas Ibay (kaliwa) si P/Lt. Col. Rodel B. Borbe, commander ng Manila Police District (MPD) Baseco Compound Police Station 13, dahil sa mabilis nitong aksyon kontra kriminalidad. Kuha ni Jon-jon Reyes

MPD Station 13 chief, pinarangalan

September 21, 2022 Jonjon Reyes 815 views

TUMANGGAP ng parangal si Police Lt. Col. Rodel B. Borbe, commander ng Manila Police District (MPD) Baseco Compound Police Station 13, sa matagumpay na follow-up operation na ikinasa laban sa isang holdaper nitong nakaraang Hunyo 13, 2022, sa kahabaan ng Taft Avenue sa kanto ng Castro Street, Malate, Maynila.

Pinamunuan ni Chief District Directorial Staff P/Col. Arnold Thomas Ibay ang paggawad ng parangal para kay Borbe.

Kasama naman sa mga naparangalan ay sina P/SSg. Lowie Crisostomo, P/Cpl. Charmain Dueñas, at P/Cpl. Marlon Nobleza dahil sa naging mabilis nilang aksyon at pagresponde sa nasabing insidente.

Base sa report na may petsang Hunyo 13, isang lalaki ang hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Maynila makaraang maka-engkuwentro ang mga tauhan ng Tactical Motorcycle Unit (TMRU) ng Manila Police District (MPD) Malate Police Station 9 sa nabanggit na lugar sa Malate, Maynila.

Bago pa man naganap ang engkuwentro, isang biktima ang nagreport sa barangay hall sa Bgy. 726 Zone 78, na di-umano’y tinutukan ito ng baril at hinoldap sa Leon Guinto St. sa panulukan ng Aragon St. sa Malate.

Agad na inatasan ni Borbe, dating commander ng MPD Malate Police Stn. 9 ang kanyang mga kapulisan na magsagawa ng follow-up operation at nirespondehan nina Crisostomo, Dueñas, at Nobleza at dito na umano nakitang naglalakad ang suspek ayon sa diskripsyon ng biktima.

Sinabihan umano ito ng isa sa mga pulis na rumesponde kabilang ang TMRU na huminto at sumuko sa kanila ngunit pinaputukan sila ng suspek kung saan gumanti naman ang mga kapulisan.

Tinamaan at sugatan ang suspek ng mabilisang dinala ito sa pinakamalapit na ospital subalit pasado alas 10:45 ng gabi nang ideklara itong “dead on arrival”.

Ang parangal ay isinagawa sa MPD Headquarters matapos ang flag-raising ceremony sa U.N. Ave., Ermita, Manila nitong Lunes ng umaga (Set.19, 2022) na sinaksihan nina P/Col. Samuel Pabonita, District Personnel and Record Management Division chief at P/Col. Levi Hope Basilio, DID chief.

AUTHOR PROFILE