MPD MAHIGPIT ANG SEGURIDAD – Halos araw-araw ay iniinspeksyon ni MPD Director, Police Brig. General Leo ‘Paco’ Francisco ang loob at labas ng National Museum, maging ang buong paligid nito, kasama sina PCol. Arnold Thomas Ibay ng CDDS at PLt. Col. Jonathan Villamor ng MPD Station 5, na siyang nakakasakop sa pagdadausan ng inagurasyon ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa June 30 sa P. Burgos St., Ermita, Manila. Kuha ni JON-JON REYES

MPD: Panunumpa ni BBM secure

June 10, 2022 Jonjon Reyes 181 views

MAHIGPIT na babantayan ng Manila Police District (MPD) ang mga freedom parks sa buong lungsod ng Maynila para sa nalalapit na inagurasyon ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa June 30.

Ayon sa pamunuan ng MPD, partikular na babantayan ang mga lugar sa Plaza Miranda sa Quiapo, Plaza Dilao sa Paco, Plaza Moriones sa Tondo at Liwasang Bonifacio sa Ermita.

Sinabi ni Police Maj. Philipp Ines, ang tagapagsalita ng MPD, naka-alerto at naka-standby lang ang kanilang mga tauhan mula sa Civil Disturbance Management Team na siyang magmomonitor sa mga nasabing freedom park.

Ayon naman kay MPD Director PBGen. Leo ‘Paco’ Francisco, sisiguraduhin nito at ng team PACO ang tahimik at mapayapang pagsasagawa ng inagurasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, dahil bukod sa ilang libong mga pulis ang itatalaga sa National Museum at sa paligid nito ay around-the-clock o 24/7 ang pagbabantay sa paligid ng nasabing museo.

Noong nakaraang linggo ay sinimulan na rin ang clearing operations ng MPD Station 5 sa pamumuno ni P/Lt. Col. Jonathan Villamor, katulong ang mga kagawad ng DPS at MTPB ng Manila City Hall.

Pinagbawalan ang mga nagtitinda sa kahabaan ng U.N.-Taft Avenue, Kalaw Street at Finance Road, at maging sa Ayala Bridge sa Ermita, Manila.

Ani Villamor, malaya naman ilahad ng mga magkikilos protesta ang kanilang saloobin sa mga nabanggit na freedom park, pero kung sisirain at babastusin ang mga pampublikong pasilidad o kaya ay magiging sagabal sila sa daloy ng trapiko, hindi magdadalawang-isip ang mga ito na ipatupad ang umiiral na batas.

Mahigpit din aniyang ipapatupad ng MPD ang maximum tolerance sakaling may mga grupong magkikilos protesta malapit sa lugar kung saan isasagawa ang inagurasyon ni President-elect Marcos.

Sa kasalukuyan, wala pa naman natatanggap ang Manila Bureau of Permits ng anumang request o sulat para magkasa ng kilos protesta sa araw mismo ng inagurasyon.

AUTHOR PROFILE