MPD Nagbigay kaalaman si P/Capt. Wilbert Aticao, Remedios PCP-MPD PS 5 commander, ng mga crime prevention tips at paghikayat ng pagreport sa kapulisan kung may krimen sa kanilang lugar. Kasama ni Aticao si Bgy. 696 Chairwoman Arlene Divinagracia sa gitna ng cleanup drive ng SAG ng MPD PS 5. Kuha ni JON-JON REYES

MPD palalakasin ang ugnayan sa mga barangay, mamamayan

March 13, 2023 Jonjon Reyes 536 views

NAGSAGAWA ng “Barangay Assembly” ang mga mamamayan at kapulisan ng Remedios PCP (Police Community Precinct) Manila Police District Police Station 5 (MPD-PS 5) kaugnay sa pagbibigay impormasyon sa mga safety tips sa bawat isa at upang maiwasan ang anumang krimen mula sa pakikipagtulungan ng barangay at mamamayan.

Pinangunahan ni Police Capt. Wilbert Aticao, hepe ng Remedios PCP ang pagbabahagi ng impormasyon sa mga mamamayan ng Barangay 696 sa pamumuno ni Chairwoman Arlene Divinagracia na siya ring chairperson ng Station Advisory Group (SAG) ng MPD PS 5 sa Ermita, Maynila.

Aniya, kung sakali may mga kabitbahay o kapit-barangay silang nalulong halimbawa sa ipinagbabawal na gamot o kaya mga taong gusto ng magbagong buhay at nais magbalik-loob sa gobyerno, ay maaaring ipagbigay-alam sa kanilang opisina.

Kasabay nito nagsagawa rin ang MPD ng “Drug Awareness Lecture” upang pagandahin at suportahan ang B.I.D.A. o “Buhay Ingatan Droga’y Ayawan” sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Anthony Abundo at sa pamamagitan ng pamumuno naman ni P/Lt. Col. Leandro Gutierrez, commander ng MPD Ermita PS 5.

Ang nasabing lektyur ay bilang suporta sa programa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pinaigting na kampamya kontra iligal na droga, para malubayan ang masamang dulot nito sa komunidad, paaralan, at pamilya sa pamamagitan ng “anti-drug education.”

Dagdag din ang paghikayat sa publiko na maging “BIDA advocates” at tumulong sa pagsugpo sa problema ng iligal na droga sa bansa.

Naglatag din ang mga kapulisan crime prevention tips at paghikayat sa pagreport sa kapulisan kung may krimen o gulong nangyayari sa kanilang lugar upang tugunan ng mga awtoridad.

Ayon naman kay “The Game Changer General” MPD Director P/Brigadier Gen. Andre P. Dizon, “Panatilihin natin ang mabuting pakikitungo sa mamamayan at lalo pa nating palakasin ang pakikipagtulungan at pakikiisa upang maisakatuparan ang kaayusan, pangangalaga sa kalikasan tungo sa isang ligtas, mapayapa, maunlad, at masaganang pamayanan.”

AUTHOR PROFILE