Default Thumbnail

MPD: Pagbenta ng mga illegal na paputok bawal sa Divisoria

November 22, 2022 Jonjon Reyes 603 views

TINATAYANG aabot sa halagang P20,000 ng mga ipinagbabawal na iba’t ibang klase ng paputok ang nakumpiska at narekober ng mga operatiba ng MPD sa Divisoria sa Maynila bago pa man sumapit ang Kapaskuhan at bagong taon.

Ayon sa pamunuan ng MPD-Station 11, sa kanilang araw araw na pagpapatrolya wala silang nakikitang nagbebenta ng paputok sa Divisoria ngunit kapag may mga magtanong ang isang buyer ay ilalabas ito ng vendor o nagtitinda mula sa kanilang mga pinagtataguan.

Itinatago umano ng mga vendor ang mga paputok mula sa iba pang paninda sa bangketa upang hindi lantarang makita dahil ito ay mahigpit na ipinagbabawal sa lungsod ng Maynila.

Dahil sa kasipagan sa pag papatrolya sa kahabaan ng Divisoria partikular sa M.D Santos sa Binondo, Manila sa pangunguna ni PMajor. Bernardino Venturina, commander ng Juan Luna PCP-MPD Station11, ay hindi magawang mailabas ng mga vendor ng mga paputok ang kanilang mga paninda.

May patagong nagtitinda ng paputok ang natyempuhan sa isinagawang operasyon ni PMaj.Vinturina at nakumpiskan ng mga whistle bomb, 5 star, baby rocket, Picollo.watusi, at iba pang ipinagbabawal na malalakas na klase ng paputok.

Ang Executive Order No.28 o ang Prohibited Types of Firecrackers and Pyrotechnic Devices ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nanatiling may bisa kung saan inaatasan ang Philippine National Police (PNP) na tukuyin ang mga paputok na maaring ibenta upang maayos at makontrol ang paggamit nito.

Samantala nagbigay naman ng payo si MPD Director Police Brig.General Andre P. Dizon sa publiko at mamamayan ng lungsod ng Maynila na mainam na huwag nang tangkilikin ang mga ipinagbabawal na paputok dahil napakadelikado ito lalo na sa mga bata na madalas inaakalang laruan ang mga ito.

Agad naman pinuri at pinasalamatan ni PBGen.Andre Dizon ang pamunuan ng MPD Station 11 dahil sa naging maagap sa paghuli sa mga vendor na nagtitinda ng mga malalakas at ipinagbabawal na paputok sa Divisoria.

AUTHOR PROFILE