Default Thumbnail

MPD nakakumpiska ng P312K droga sa loob ng isang araw

September 25, 2022 Jonjon Reyes 283 views

DAHIL sa patuloy na operasyon ng Manila Police District hinggil sa bawal na droga, dalawang himpilan ng pulisya ang naiulat na nakakumpiska ng P312,000 halaga ng shabu sa loob lamang ng 24 oras sa lungsod ng Maynila.

Unang naireport ang pagkakadakip ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng MPD- Station 11 na pinangunahan ni PMajor Bernardino Venturina sa isinagawang buy-bust operation sa panulukan ng Sevilla St. at Lara St. sa Brgy. 283, Binondo.

Nakilala ang dalawang suspek na sina Rico Enriquez, 40, ng Sta. Isabel St., C.M Recto Avenue, Tondo,Manila, at Jeric Belarmino, 28, kapwa tambay at kaanib ng Sigue Sigue Commando at naninirahan sa 316 Angalo St.,Binondo.

Dahil na rin sa direktiba ni Police Brig General Andre P. Dizon, ang mga suspek ay pawang nagbebenta ng droga sa lugar kung kaya’t pinagsikapang arestuhin dahil na rin sa umano’y nasa drug watchlist ang mga ito

Gayunman, ang dalawa ay kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 Section 5 at 11 ng Article 11 (Comprehensive Drug of 2002) makaraang ilatag ang buy-bust at makarekober ng nasa P40,800 halaga ng hinihinalang shabu.

Kaugnay nito, nagsagawa din ng isang malawakang buy-bust operation ang mga tauhan ni Police Leutenant Colonel Salvador Tangdol , Commander ng Station 9 sa Malate, Manila.

Ayon sa ulat ni Police Leutenant Josephuz Melpaz, hepe ng Station Drug Enforcement Unit ng MPD- Station 9, bandang 3:30 a.m. nang matimbog si Mark Kelvin Habayhabay 33, ng 2042 Bell St., Makati City sa Mabinj St. malapit sa panulukan ng P. Ocampo St.,Malate.

Narekober sa suspek ang limang pirasong bulto ng hinihinalang shabu na nakasilid sa plastic sachet na nakalagay sa pouch bag.

Bukod dito, narekober din ng P1,000 marked money na ginamit sa buy-bust. Nasa 40 gramong tobats ang nakuha sa suspek na may street value na P272,000.

Dahil dito, si Habayhabay ay kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 Article ll ng Section 5 at 11 (Comprehensive Dangerous Drug of 2002.)

Pinuri at pinasalamatan ni MPD- Director Police Brigadier General Andre Perez Dizon ang kanyang mga kapulisan o tinatawag na Manila’s Finest dahil sa walang humpay na operasyon ng kanyang mga kapulisan laban sa ipinagbabawal na droga.

AUTHOR PROFILE