MPD Ipinarada ang magarbong float sa harapan ng Manila Police District (MPD) Headquarters sa U.N. Ave., Ermita, Maynila matapos na magwagi ito bilang 1st placer sa selebrasyon ng ika-451 anibersaryo ng ‘Araw ng Maynila’. Kuha ni Jon-jon Reyes

MPD inuwi ang Best Float award sa pagdiriwang ng ‘Araw ng Maynila’

June 24, 2022 Jonjon Reyes 111 views

MANILA – Nagwagi sa ginawang parada mula sa 14 na kalahok na “float” ang Manila Police District (MPD) sa ginanap na pagdiriwang ng ika-451 anibersaryo sa pagkakatatag ng lungsod o “Araw ng Maynila” kung saan lulan ng float ang ilang tauhan ng MPD, Biyernes, Hunyo 24, 2022.

Nasungkit ng himpilan ng pulis-Maynila ang unang parangal na may cash reward, ayon kay P/Major Philipp Ines, hepe ng Public Information Office (PIO) ng MPD.

Nagsimula ang nasabing parada sa ganap na alas-8:00 ng umaga mula sa Quirino Grandstand patungong Kartilya ng Katipunan sa Manila City Hall, Lawton, Ermita Lungsod ng Maynila.

May halos 14 float ang sumali sa ginawang parada sa selebrasyon ng “Araw ng Maynila”.

Pinamunuan ni P/Col. Julius Cezar Domingo, hepe ng Public Community Relation Office at ito rin umano ang nagsilbing nagmando ng kanilang isinaling float.

Labis naman ang papuri ni MPD District Director P/Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco sa kanyang mga tauhan na naglaan ng panahon para bumuo ng float at mga nag-volunteer na ipakita ang mga naging uniporme ng kapulisan sa mga nakalipas na panahon hanggang sa kasalukuyan.

Ayon sa pamunuan ng MPD, sa “mahabang panahon ng buwis-buhay na paglilingkod sa bayan at sa mga mamamayan – patuloy pa rin ang pagganap ng kanilang sinumpaang tungkulin bilang isang tapat na ‘alagad’ ng kapayapaan at kaayusang hinubog sa mga aral at kahalagahan ng pagiging isang maka-Diyos, makabayan, makatao at makakalikasan.”

Dagdag pa nila, ang karosa o float ay “sumasagisag sa tunay na larawan ng kapulisan mula pa noon, ngayon at magpakailanman,” ayon kay P/Maj. Ines

AUTHOR PROFILE