MPD handa na sa pinaigting na seguridad sa Semana Santa
NAGPAHAYAG si Manila Police District (MPD) Director Police Brigadier General Andre P. Dizon na lalong palalakasin at hihigpitan ang pagbabantay sa nalalapit na Semana Santa sa Lungsod ng Maynila para sa kaligtasan ng mga deboto at payapang visita iglesia ng mga Katoliko sa paggunita ng “Kuwaresma.”
Ito ang tahasang bilin ng tinaguriang “The Game Changer General” na si Dizon sa kanyang mga tauhan mula sa 14 stations ng MPD, na ipagpatuloy ang pagbabantay sa seguridad “24/7” lalo na sa mga mamamayan ng lungsod.
Pangungunahan ng heneral ang bike patrols sa umaga at ang motorcycle unit naman sa gabi. IIkutin ng kapulisan ng Maynila kabilang si Dizon ang mga simbahan na kabilang sa pinupuntahan ng mga deboto para sa visita iglesia hanggang sa “Pasko gn Pagkabuhay” sa Abril 9.
Ang mga nasabing pagpapatrolya ay para maiwasan ang krimen at mabilis na pagresponde. Maglalatag din ng mga police checkpoints sa mga kalye kabilang ang foot patrolling, patuloy na “Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations” (SACLEO) at “Oplan Galugad” sa magdamag at kabuuan ng Kuwaresma.
Ayon kay Police Major Philipp Ines, chief ng Public Information Office (PIO) ng MPD, aabot sa mahigit 38,387 na mga miyembro ng MPD kabilang ang mga kapulisan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagbabantay at pag-iikot sa nasabing lungsod.
Layunin ni Dizon ang mahigpit na seguridad ng bawat mananampalataya sa pag-obserba ng holy week sa buong lungsod.
Sinabi ng opisyal na maihahalintulad ang patuloy na kontra kriminalidad ng MPD sa pagkadakip sa apat na suspek na miyembro umano ng “Laglag Barya Gang” na umatake kamakailan at pawang mga taga-Laguna pa ang mga ito.
“Mabuti na lamang at naging maagap ang mga kapulisan ng bike patrol group na silang nakasabat nang sumakay ang mga ito sa UV Express,” ani Dizon.
Aniya, “Kailangan tuloy-tuloy lamang ang ating pag-iikot sa mga lansangan gamit ang mga bike patrol unit upang masawata ang mga masamang loob.”