MPD gamit ang body cam sa ops

July 17, 2021 Jonjon Reyes 166 views

SINABI ngayon ni Manila Police District (MPD) director PBGen. Leo M. Francisco na gumagamit na ng body camera ang kanyang mga tauhan para sa mga isinasagawang operasyon.

Kasabay nito, 16 na body camera ang ginagamit sa bawat istasyon ng pulis sa Lungsod ng Maynila.

Apat rito ay naka-live at 12 ang ginagamit upang mag-record ng bawat pangyayari.

Direktang napapanood sa live stream ng punong tanggapan ni Philippine National Police chief PGen. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang operasyon ng MPD gaya ng pagsisilbi ng warrant of arrest at mga search warrant.

Dalawang command center ang napapanood nang live ang operation.

May docking station din kung saan ilalagay ang lahat nang nairekord ng mga operatiba.

Ayon pa kay Francisco, kung ano ang sequence ng mga pangyayari ay buong-buo itong ilalagay sa docking station. Hindi maaaring burahin, i-chop-chop, bawasan o dagdagan, dahil nakarekord ang bawat kilos sa bawat segundo o oras at petsa.

Ang live streaming ay tuloy-tuloy at nagkakaroon lamang ng problema kung sakaling humina o nawalan ng communication signal o na-low bat, ngunit may back up camera naman na magpapatuloy sa recording at pagkuha ng footages ng mga miyembro ng MPD. Nina FRANCIS NAGUIT & JONJON REYES

AUTHOR PROFILE