Motorsiklo vs van, mc driver patay

August 24, 2021 Melnie Ragasa-limena 352 views

NASAWI ang isang lalaki matapos tumilapon sa sinasakyang motorsiklo makaraang mabangga ng Van na minamaneho ng 43-anyos na vendor sa intersection sa Barangay Fairview, Quezon City, nitong Lunes ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Redeemer V. Bala, may asawa, at residente ng No.8 Sto. Niño st., Holy spirit, Quezon City.

Agad namang naaresto ang suspek na si Roberto Padlan Manalastas, 43, may asawa, vendor, tubong Nueva Ecija, at naninirahan sa No.7 IBP Rd. pook pag-asa, sa lungsod

Sa report ng Traffic Sector 5 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-11:30 ng gabi (August 23), nang maganap ang aksidente sa intersection ng Regalado Avenue at Pontiac St., sa Barangay Fairview, Quezon City

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg L. T. Policarpio ng Traffic Sector 5, sakay umano ang biktima ng Yamaha Motorcycle na may MV File No.1336-0529736 subalit pagdating sa intersection ay nasalpok ng Hyundai Grace Van na may plakang WLA 262 na minamaneho ng suspek.

Dahil sa lakas ng impak ay tumilapon ang biktima at bumagsak sa kalsada na una ang ulo dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa nangyaring aksidente.