Default Thumbnail

Motorsiklo sinalpok ng bus, sekyu dedo

November 18, 2021 Melnie Ragasa-limena 210 views

BASAG ang bungo ng isang security guard nang salpukin ang sinasakyang motorsiklo nang rumaragasang bus at magulungan pa ang ulo nito sa Barangay Bahay Toro, Quezon City, nitong Huwebes ng umaga.

Kinilala ni Police Executive Master Sergeant Armando M.Carr, ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 6, ang biktima na si Abrilou Bodiao Nadela, nasa hustong gulang, security guard at residente ng Pansol, QC.

Agad namang naaresto ang suspek na si Claro Teano Basilio, driver ng Pascual Liner bus (NAE-5440), at naninirahan sa J. Delos Reyes Sto. Nino Hagonoy Bulacan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCMS Rhodley S. Constantino ng Traffic Sector 6, bandang alas-7:00 ng umaga (November 18) nang maganap ang trahedya sa kahabaan ng Congressional Ave., corner Sta. Gerdrudes sa nasabing barangay.

Habang binabaybay umano ng biktima sakay ng kaniyang Mitsukoshi Bonus X Motorcyle (SR-6468) ang nasabing lugar, ay bigla na lamang siyang sinalpok ng bus mula sa likuran.

Dahil dito ay bumagsak ang biktima sa semento pero nagulungan pa ito ng bus na nakabangga sa kaniyang motorsiklo.

Nakapiit na ang driver habang inihahanda ang kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.