‘Motorsiklo-napper’ dedo sa shootout sa QC

March 6, 2022 Melnie Ragasa-limena 250 views

PATAY ang isang suspek na itinuturong sangkot umano sa pagnanakaw ng motorsiklo makaraang makasagupa ang mga operatiba ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) sa kahabaan ng Mahogany St., Payatas Road, Brgy. Payatas, Quezon City.

Batay sa ulat ni PLt. Col. Roldante Sarmiento, PS 13 commander, ang suspek ay tinatayang nasa 5’1” ang tangkad, 30 hanggang 35 taong gulang, nakasuot ng gray shorts at green/red sweat shirt jacket na may hood at may “ARIES” na nakatatoo sa itaas na bahagi ng kanyang likuran.

Dakong 10:45 p.m. noong Marso 5, 2022, ang biktimang si Aldrin Amorcillo, 28, ay aalis na ng sari-sari store nang may anim na hindi kilalang suspek na nakasakay sa tatlong motorsiklo ang bigla na lamang kinuha ng sapilitan ang kanyang selpon at motorsiklong Yamaha Mio.

Kaagad ipinaalam ng biktima ang pangyayari sa PS 13 na nagkasa ng isang dragnet operation.
Isa sa mga suspek na lulan ng Yamaha Mio-i ay naharang sa kahabaan ng Mahognay St. malapit sa kanto ng Payatas Road, Quezon City ngunit imbes na sumuko ay pinaputukan ng suspek ang mga rumespondeng pulis kung kaya’t gumanti rin ng putok ang mga pulis na naging dahilan ng pagkamatay ng suspek.

Nakuha ng QCPD Forensic Unit sa pinangyarihan ng insidente ang isang cal. 38 revolver na walang serial number na may tatalong bala at dalawang fired cartridge cases pati isang coin purse na naglalaman ng dalawang sachet ng shabu.

Narekobe ang orange Yamaha Mio-i un 125 na may MV File No. 0401-00001064387 ng biktima.