Motornaper tiklo ng MPD

January 24, 2022 Jonjon Reyes 89 views

MATAPOS dumulog ang isang lalaki at magpasaklolo sa barangay, eksaktong naroroon ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na nagsagawa agad ng follow-up operation at matimbog ang suspek sa Tondo, Manila, iniulat ng pulisya.

Nakilala ang suspek na si Ian Mejido, 24, jobless, binata, ng Bldg.11 Roof top , Katuparan Village, Vitas, Tondo.

Base sa ulat na isinumiti ni P/ Major Cicero Pura, hepe ng District Special Operations Unit, kay P/ Brigadier General Leo ” Paco” Francisco , District Director ng MPD, nasabat nila ang suspek na lulan nang tinangay nitong motorsiklo sa kahabaan ng Estero De Vitas sa Brgy 101, Tondo.

Bukod sa motorsiklo, narekober sa suspek ang kalibre 22 na pistola na may dalawang bala.

Ayon sa salaysay ng hindi na binanggit na biktima, nakita nito nang tangayin ng isang lalaki ang kanyang motorsiklo. Agad itong nagtungo sa kanilang barangay at eksaktong naroroon ang mga tauhan ng DSOU ng MPD , at tinuro ng biktima kung saan nagdaan ang suspek.

Dito na umano nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya at nasabat ito sa naturang lugar.

Una rito, habang nagsasagawa ng anti-criminality drive ang pulisya sa Brgy.101, nang makita nila humahangos ang isang lalaki upang magpasaklolo.

Katuwang ang MPD PS1 na nakakasakop sa nasabing lugar ay nasukol ang salarin.

Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions Regulation Act), Omnibus Election Code ( Comelec Resolution No. 10728) and R.A. 10883 (New Anti- Carnapping Act) ang suspek.

Inaalam ng pulisya kung may kasabwat ang suspek.

Samantala, pinuri ni NCRPO RD Vicente Danao Jr. ang mabilis na aksyon ng mga tauhan ni Francis na nagresulta sa pagkadakip sa suspek at maagap na pagkabawi ng tinangay ng motorsiklo.

“”I commend the operatives of MPD DD PBGen. Leo Francisco, DSOU MPD and Raxabago MPD PS1 for their quick response resulting to the arrest of the prime suspect of carnapping/motornapping and confiscation of firearms as part of the intensified campaign against criminality and loose firearms. Isa na namang kriminal ang natiklo sa lansangan. Kudos Team MPD!” ani ni RD DANAO… Nina JONJON REYES & C.J. ALIÑO

AUTHOR PROFILE