Annabelle

Mother Lily updated sa hiwalayang Richard at Sarah — Annabelle

August 10, 2024 Vinia Vivar 195 views

Sa eulogy ni Annabelle Rama para kay Mother Lily Monteverde sa huling gabi ng burol nito last Friday sa Valencia Events Place ay inalala niya ang mga pinagsamahan nila ng nasabing film icon.

Ayon kay Bisaya, nagkakilala sila ni Mother Lily bago pa man siya nagkaroon ng pamilya. Kinukuha raw siyang artista noon ng Regal matriarch at gusto siyang gawing sexy star.

Sinabi niya kay Mother na kapag si Eddie Gutierrez ang partner niya, kahit anong bold pa ‘yan ay gagawin niya.

As we all know, sandali lang ang itinagal ni Annabelle sa showbiz bilang artista dahil pumunta na siya ng Amerika nang mabuntis ni Eddie at matagal silang nanirahan doon.

Muling nag-krus ang landas nila nang may pamilya na siya dahil kinuha ni Mother bilang Regal Babies ang kanyang mga anak.

“Lagi kaming nag-aaway ni Mother sa billing, sa kontrata, sa tseke at saka sa promo,” kwento ni Annabelle.

Kaya naman sinasabihan daw siya lagi ng producer na mukha siyang pera. Away-bati raw talaga ever since ang relasyon nila hanggang sa dumating din ang time na nagkahulihan na sila ng ugali at nagkasundo.

Umabot pa sa puntong hindi siya nakatanggi nang inalok siya ng pelikula ni Mother Lily kaya ginawa niya ang “My Monster Mom” noong 2008.

Naging mag-best friends sila later on at laging magkasama’t mahal na mahal daw ng producer ang kanyang mga anak.

Nang magkaroon ng sakit si Mother ay lagi raw itong tumatawag sa kanya at humihiling na dalawin siya.

Pero ayon kay Annabelle, hindi siya nakadalaw dahil ayaw niyang makita ang kaibigan na nakaratay sa kama. Ang gusto raw niya ay ‘yung dating Mother Lily pa rin na full of life at masayahin.

“Ayoko siyang makita talaga. Umiiyak na lang ako sa kanya ‘pag tinatawagan niya ako, mahinang-mahina ang boses niya,” kwento pa ng Gutierrez matriarch.

Pero kahit may sakit si Mother ay alam nito na naghiwalay na ang kanyang anak na si Richard at ang misis nitong si Sarah Lahbati.

Tinanong daw siya nito kung bakit pumayag siyang maghiwalay ang mag-asawa.

“Wala tayong magawa, Mother. Kasi ‘yung isa, gusto namang iba siguro, ang isa naman, ayaw naman niya ‘yung… Ah basta, hindi sila magkasundo,” ang sabi raw niya kay Mother tungkol sa hiwalayan nina Richard at Sarah.

Kahit hindi siya nakadalaw sa producer noong may sakit ito ay lagi naman daw itong kasama sa prayers niya along with her daughter-in-law na si Alexa, na pumanaw kamakailan.

“Mother, sorry, sorry, hindi kita nadalaw pero mahal na mahal kita. Ipinagdadasal kita,” mensahe niya sa pumanaw na kaibigan.

“Alam ko, nagtatampo siya sa akin. Pero ‘andito ako ngayon, dumalaw sa kanya. Roselle (anak ni Mother Lily), tatlong araw na ‘ko dito,” sey pa ni Annabelle.

AUTHOR PROFILE