Morissette hindi kayang isipin na sapawan si Regine

May 21, 2021 Eugene E. Asis 338 views

MATAPOS magtrending ang cover ng tinaguriang Asia’s Phoenix na si Morissette Amon ng awiting “Shine,” inilabas na ang recording ng nasabing kanta kahapon Biyernes (May 21) bilang selebrasyon ng ika-25 anibersaryo nito.

Ang rendisyon ni Morissette ay isang muling pagpapakilala dito tampok ang original lyrics na isinulat ng multi-award winning songwriter na si Trina Belamide na naakipagsanib-pwersa sa Star Music para sa reimagination ng kanta.

Nakipag-partner naman ang OPM hitmaker at ABS-CBN Music creative director na si Jonathan Manalo sa Filipino-American musical director na si Troy Laureta para bigyan ang “Shine” ng gospel waltz vibe habang pinapanatili ang kabuuang tunog nito.

Inilunsad ang version ni Morissette dahil sa hiling ng marami na nakapanood na sa kanyang performance ng kanta sa iba’t ibang okasyon sa bansa at abroad. May higit 7.9 million views na ang kanyang YouTube performance video ng “Shine” sa Wish Bus at naghatid din ito ng reaction videos mula sa voice coaches galing sa iba-ibang bansa na napabilib sa kanyang rendisyon.

Bagama’t nakilala rin ito nang husto dahil sa rendition ni Regine Velasquez, ang “Shine” ay isang Metropop entry na unang nirekord ni Ima Castro at pinerform din nang live ni Sweet Plantado ng The Company sa 1996 Metropop Song Festival sa Araneta Coliseum kung saan nanalo itong second place.

Kinanta naman ito ng Asia’s Songbird taong 2004 para sa isang product commercial pero naging bahagi na ng kanyang repertoire sa maraming shows simula noon. Sa Zoom mediacon para sa reimagining ng kanta, tinanong si Morissette tungkol dito, na tila nagpapahaging na baka matalbugan niya ang rerndition ni Regine: “Naku, Regine is Regine,” aniya. “Mahirap pantayan yun. Ang bait bait ni Ate Regine sa akin para isipin ko yun. Pag nagkakasama kami, lagi niya akong tinatanong, ‘ok ka ba?’ and she’s always there to support me. Hindi lang ako. Supportive siya sa lahat ng artist.”

Samantala, maririnig na ang official version ni Morisette ng “Shine” sa iba’t ibang music streaming services. May TV launch naman sa “ASAP Natin ‘To” ang music video nito sa May 30 (Linggo) at mapapanood sa YouTube channel ni Morissette.

Christian napili bilang kaisa-isang Asian judge sa Djooky Music Awards

NAPILI bilang kaisa-isang Asian judge sa gaganaping Djooky Music Awards (DMA) ang tinaguriang Asia’s Romantic Balladeer na si Christian Bautista ngayong taon.

Kabilang si Christian sa bigating international panel of judges para sa magiging National Voting Round ng Spring Season. Sa ikalawang taon ng DMA, layunin nito na isali ang iba pang bansa sa Southeast Asia para maging parte sa bago nitong music platform competition.

Samantala, abalang-abala rin si Christian sa nalalapit na Season 4 ng all-original singing competition na ‘The Clash’ ng GMA7. Parte rin siya ng cast ng upcoming musical series ng Viu na ‘Still’ kung saan makakasama niya ang Asia’s Pop Diva na si Julie Anne San Jose.

Sanya at Bong magkikita na sa ‘Agimat ng Agila’

MAPAPANOOD na simula ngayong Sabado (May 22) si Sanya Lopez bilang si Maya sa top-rating action fantasy drama series na Agimat ng Agila na pinangungunahan ni Bong Revilla bilang Gabriel.

Good news ito para sa fans ni Sanya na excited nang makilala ang gagampanang karakter ng aktres sa serye, “Excited to see Sanya on Agimat Ng Agila as Maya Lagman.”

Dagdag na komento ng manonood, swak na swak si Sanya bilang kapareha ni Bong. “Napakagaling ng pumili kay Sanya para maging leading lady. Bagay na bagay ang ganda.”

Ang Agimat ng Agila ay napapanood Sabado, 7:15pm, sa GMA-7.

 

 

Kapuso artists pasok sa Top 20 Most Handsome and Beautiful Faces sa PH showbiz

NAKABILANG ang Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards at ilan pang Kapuso stars sa Most Handsome and Beautiful Faces in Philippine Showbiz ng PH Choice Awards ngayong taon.

Bukod kay Alden, pasok din sina Miguel Tanfelix, Jak Roberto, Kelvin Miranda, Khalil Ramos, Mavy Legaspi, Allen Ansay, Will Ashley, at Ken Chan sa Top 20 Most Handsome Faces na pinili ng ng fans at Filipino audience.

Bahagi naman ng Top 20 Most Beautiful Faces ang Kapuso actresses na sina Sanya Lopez, Gabbi Garcia, Bianca Umali, Kyline Alcantara, Cassy Legaspi, Sofia Pablo, at Julie Anne San Jose.

Makikita ang buong listahan sa Facebook page ng PH Choice Awards.

AUTHOR PROFILE