Default Thumbnail

Monthly allowance ng mga PLM, UdM students, nilagdaan na ni Mayor Honey

August 3, 2022 Edd Reyes 461 views

NILAGDAAN na ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang buwanang allowance ng mga mag-aaral sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at sa Unibersidad de Manila (UdM) para sa buwan ng Mayo at Hunyo, 2022, Martes ng hapon.

Kasabay ito ng paglagda rin ng alkalde ng P500 buwanan ding allowance ng bawat estudyante ng senior high school (SHS) na nag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa Maynila, para rin sa buwan ng Mayo at Hunyo.

Sa ilalim ng umiiral na Ordinance No. 8568 na nilagdaan ni dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso noong Hulyo 31, 2019, pagkakalooban ng P1,000 buwanang allowance ang mga kuwalipikadong estudyante sa dalawang pamantasang pinatatakbo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila habang P500 buwanang allowance din sa kwalipikadong SHS na naka-enroll naman sa mga pampublikong paaralan ng lungsod.

Sinabi ni Mayor Honey na ang pagkakaloob ng buwanang allowance sa mga kwalipikadong estudyante sa kolehiyo at SHS na may kabuuang inilaang pondo na halos P117 milyong piso ay bahagi ng Social Amelioration Program (SAP) ng Pamahalaang Lungsod na naglalayong mabigyan ng tulong pinansiyal ang mga kabataang Manilenyo na nagsisikap sa kanilang pag-aaral.

“Ang atin po lamang pakiusap sa lahat ng mga benepisyaryo ay lalong magpunyagi, magpursigeng makatapos ng pag-aaral. Ugaliin ring makinig sa turo ng inyong mga guro at sumunod sa payo ng inyong mga magulang,” pahayag ni Mayor Honey.

Idinugtong din ng alkalde na makakaasa ang mamamayan ng Maynila na patuloy na gumagawa ng paraan ang Pamahalaang Lungsod upang paginhawahin ang pamumuhay ng bawat pamilyang Manilenyo.

AUTHOR PROFILE