Monsaur

Monsour, nakiisa sa Makatizens

April 23, 2022 Ian F. Fariñas 98 views

Kasamang tumindig ng Makatizens si dating Makati District 1 congressman at ngayon ay senatorial candidate Monsour del Rosario.

Sa Makatindig Grand Assembly Walk kahapon, nakiisa si Monsour sa paglalakad mula Ayala Triangle Gardens hanggang Osmena Highway, bago tumulak sa caravan papuntang Macapagal Boulevard, Pasay City.

“Tingin ko hindi lang basta pagkakataon itong pagkakasama ko sa 1Sambayan. Nakatadhana ito dahil ang layunin ko sa aking pagtakbo bilang senador at ang layunin ng mga taong sumusuporta sa 1Sambayan ay iisa. Pare-pareho ang hangarin namin na maiangat ang buhay ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng isang gobyernong tapat sa paninilbilhan sa tao,” wika ng dating taekwondo champ at aktor.

Si Monsour ay bahagi ng Partido Reporma, ngunit kamakailan ay napabilang na rin siya 1Sambayan senatorial slate.

“Kami sa 1Sambayan, ang ino-offer namin sa publiko ay isang alternative na listahan ng mga senador. Gusto kong ipaalala sa ating mga kakabayan kung gaano kahalaga ang pagboto sa mga senador na buo ang suporta sa pinipili nilang presidente at bise presidente. Pagdating ng panahon, kaming mga senador ang magiging kaagapay ng presidente sa pagpatupad ng mga batas na kakailanganin natin para mapaunlad ang bansa at maiangat ang buhay ng lahat ng Pilipino. Kaya hinihikayat ko ang ating mga kababayan na pumili ng mga senador na tunay na kaalyado ng presidente,” dagdag ni Monsour.

AUTHOR PROFILE