MMK

‘MMK’, hanggang December na lang — Charo

November 22, 2022 Ian F. Fariñas 356 views

TINULDUKAN na ni Charo Santos-Concio ang usap-usapang mamamaalam na sa ere ang longest-running drama anthology na Maalaala Mo Kaya sa pag-amin na hanggang December 10 na lang ito mapapanood matapos ang 31 years.

Sa isang farewell video ay sinabi ni Charo na, “Hindi na po mabilang ang nasalaysay na kuwento dito sa MMK — mga kuwentong totoo, mga salamin ng sarili ninyong buhay na nagbigay ng aral at ng panibagong pag-asa.

“Kami po ay tagapaghatid lang ng mga kuwento. Kung mauulit man ang lahat, hindi po ako magdadalawang isip na piliin muli ang role na ito. Kulang po ang tatlumpu’t isang taon para magpasalamat sa inyo.”

Patuloy niya, “Gusto ko pong magbigay-pugay sa lahat ng nagpadala ng sulat, sa aming mga direktor, writer, researcher, production staff, at sa lahat ng naging bahagi ng aming programa.

“Sa mga artistang gumanap, maraming, maraming salamat. Sa management ng ABS-CBN, sa aming mga sponsors at higit sa lahat sa inyong mga tagapanood, kayo po ang nagsabing makahulugan sa inyo ang aming ginagawa.

“Salamat po sa lahat ng nakaraan at sa anumang paraan na maaaaring pa tayong muling magkita. Ito po si Charo Santos, ang inyong tagahanga at tagapag-kuwento,” pagtatapos ng actress-host.

JulieVer, namasko sa Cebu

Sobrang busy man sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz sa preparations para sa nalalapit nilang concert na JulieVerse, lumipad pa rin ang dalawang Kapuso artists pa-Cebu para maging bahagi ng isang event ng GMA Network at GMA Regional TV.

Nitong Sabado, Nov. 19, pinangunahan ng JulieVer ang Christmas Tree of Hope Lighting Ceremony ng Marco Polo Cebu.

Kasama nina Julie Anne at Rayver sina First VP and Head of GMA Regional TV and Synergy and Acting Head of GMA Integrated News Oliver Victor Amoroso, Assistant Vice President for Local Sales — Regional Business Development Division II and concurrent Station Manager for Central and Eastern Visayas Ann Marie Tan at ang mga bumubuo ng Marco Polo Hotel Cebu.

Layunin ng Christmas Tree of Hope na makakalap ng pondo para makatulong sa mga Kapuso sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ika-13 taon na ngayong bahagi ang GMA Kapuso Foundation sa nasabing fund-raising event.

Ngayong Sabado, November 26, mapapanood na rin ang JulieVerse concert sa Newport Performing Arts Theater sa Pasay City.

Special guests sina Kyline Alcantara at Mavy Legaspi.

AUTHOR PROFILE