MMDA enforcer nasakote sa ‘kotong’ sa QC

December 8, 2022 Melnie Ragasa-limena 121 views

ARESTADO ang 53-anyos na traffic constable ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nang maaktuhang kinikikilan ang hinuling truck driver sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City, Huwebes ng madaling araw.

Ang suspek na MMDA traffic constable ay residente ng Bgy. Batasan Hills, QC.

Ang biktima ay isang truck driver na nakatira sa Mapulang Lupa, Valenzuela.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Holy Spirit Police Station (PS-14), bandang 3: 40 ng madaling araw (Disyembre 8), nang maganap ang insidente sa Congressional Ext., North Bound, Bgy. Pasong Tamo, sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Prince Joy Rivera ng PS-14, nakatanggap umano sila ng reklamo mula sa biktima na umano’y kinikikilan sila ng traffic enforcer sa lugar.

Habang binabaybay umano ng biktima, kasama ang helper nito, sakay ng trailer truck na may lulang crane, ay hinarang sila ng MMDA traffic constable at sinabing lumabag sila sa “oversize load.”

Sa kalagitnaan ng argumento, sinabi na lamang ng traffic enforcer na magbigay na lamang ang truck driver ng halagang P500 upang hindi na sila bigyan ng traffic violation ticket.

Pero sinabi umano ng driver na wala siyang P500 dahil P300 lamang ang pera niya at pumayag naman ang traffic enforcer na tanggapin ito.

Lingid sa kaalaman ng traffic enforcer na nakatawag na agad ang kasama ng truck driver sa mga awtoridad at agad na rumesponde sina Pat. Ryan Pablo Rosales at Pat. Noel Melchor ng PS-14, at naaktuhan pa ang ginagawang pangongotong ng suspek dahilan upang arestuhin ito.

Nakumpiska mula sa suspek ang tatlong piraso ng P100 bill na kinuha nito sa truck driver.

Nakapiit na ang traffic enforcer habang inihahanda ang kasong robbery extortion laban sa kaniya.