‘Miyembro’ ng drug gang dedo sa enkuwentro

May 16, 2021 Gil Aman 198 views

NAPATAY ang isang pinaghihinalaang miyembro ng Bayot Baying Drug Group ng mga kagawad ng Provincial Intelligence Unit (PIU) at Calamba City Police sa enkuwentrong naganap Sabado ng madaling araw sa Bgy. Parian, Calamba City,Laguna.

Sa ulat ni PIU Chief PLt. Col. Arvin Avelino kay Laguna PNP Provincial Director PCol. Serafin Petalio II, nakilala ang napatay na suspek na si Manuel Galicio, alias “Manny Galicia”, residente ng nasabing lugar.

Kabilang din ang suspek sa High Value Individuals (HVI) sa lungsod.

Ganap na alas 12:30, madaling araw ng Sabado ng magkasa ng buy bust si Avelino at kanyang mga tauhan habang isa sa confidential agent ng mga ito ang nagpanggap na poseur buyer gamit ang P1,000 at P4,000 boodle money ng hindi inaasahang mauwi ang operation sa engkwentro.

Hinala ng pulisya na nakatunog ang suspek kung saan nagawa nitong manlaban habang papatakas patungo sa loob ng kanyang bahay na nauwi sa pagpapalitan ng putok.

Mabilisang isinugod sa pagamutan ang suspek matapos magtamo ng ilang tama ng bala sa kanyang katawan kung saan doon ito binawian ng buhay.

Walang iniulat na nasugatan o nasawi sa panig ng pulisya.

Narekober ng pulisya sa suspek ang isang kalibre 38 baril at isang caliber 9mm sub machine gun kabilang ang hindi pa mabatid na gramo ng shabu at drugparaphaernalia.

AUTHOR PROFILE