Khalil

Misteryong bumabalot sa alamat ng ‘lilom,’ tampok sa Gabbi-Khalil team-up

June 4, 2022 Ian F. Fariñas 134 views

BUKAS, Lunes (June 6), na ang world premiere ng mystery-romance mini-series na Love You Stranger mula sa GMA Public Affairs. Mapapanood ito Lunes hanggang Huwebes, pagkatapos ng Bolera, sa GMA Telebabad.

Ang kauna-unahang primetime TV series ng real-life Kapuso couple na sina Gabbi Garcia at Khalil Ramos, tampok sa Love You Stranger ang misteryong bumabalot sa alamat ng “lilom.”

Bata pa lang si LJ (Gabbi), inako na niya ang responsibilidad na alagaan ang kanyang inang si Lorraine (Andrea del Rosario) na mahigit 10 taon nang nabubuhay na may takot sa mga anino.

Nagsimula ang lahat sa isang sayawan sa fiesta ng Sta. Castela, kung saan dating naninirahan ang pamilya ni LJ.

Nawala si Lorraine sa gitna ng sayawan at nang makita siya kinabukasan ay nag-iba na ang kanyang pagkatao.

“Na-Lilom” o tila sinumpa ang tawag ng mga Sta. Castela sa nangyari kay Lorraine. Iniwan siya ng ama ni LJ dahil dito.

Ngayon, isa nang production designer ng mga pelikula si LJ, at breadwinner para sa kanilang mag-ina.

Pero magugulat si LJ sa susunod na proyektong iaalok sa kanya: isang pelikula tungkol mismo sa Sta. Castela at sa “Lilom.” Itatago ni LJ ang nakaraan niya sa Sta. Castela para protektahan ang kaniyang ina.

Agad namang mapapansin si LJ ng direktor ng pelikula na si Ben (Khalil). Nagtataka si Ben kung bakit tila alam ni LJ ang tungkol sa Lilom ng Sta. Castela kahit pa sinasabi nito na hindi pa siya nakakarating sa lugar na iyon. Pero may sikreto ring itinatago si Ben.

Sa pagbabalik nina LJ at Ben sa Sta. Castela, makakasama nila si Tristan (Gil Cuerva), ang kaibigan ni Ben na papagitna sa nabubuo nilang pagtitinginan.

At sa oras na magsimula na ang pelikula, tila mauulit ang nakaraan. Mapupunta ang tatlo sa gitna ng isang misteryong kahalintulad ng nangyari noon kay Lorraine.

Tampok din sa serye sina Carmi Martin, Tonton Gutierrez, Lexi Gonzales, Kim De Leon, Maey Bautista, Angelli Sanoy, Alex Medina, Nor Domingo, Ces Quesada, Lui Manansala, Bodjie Pascua, Soliman Cruz at Dindo Arroyo.

Ang Love You Stranger ay mula sa orihinal na konsepto at panulat ni GMA Public Affairs Assistant Vice President Angeli Atienza.

Ito ay mula sa direksyon ni King Baco kasama si Irene Villamor bilang script consultant.

Mapapanood na ang Love You Stranger Lunes hanggang Huwebes, 9:35 p.m., simula bukas, June 6, sa GMA Telebabad.

Para sa Kapuso abroad, tutukan ito sa GMA Pinoy TV.

AUTHOR PROFILE