Default Thumbnail

Mister timbog dahil sumakabilang-bakod

August 13, 2021 Edd Reyes 363 views

INARESTO sa bisa ng warrant of arrest ng pulisya ang 36-anyos na lalaki makaraang kasuhan siya ng dating kalive-in matapos mabigong sustentuhan ang lima nilang anak Huwebes ng gabi sa Malabon City.

Nagmakaawa pa si Mondido Rosales sa dating kalive-in na itinago sa pangalang “Gina” na patawarin na siya sa ginawang pag-abandona sa pamilya matapos sumama sa mas batang kinakasama subalit nagmatigas na tinanggihan ito ng ginang.

Sinabi ni P/SMSgt. Addrich Reagan De Leon, isa sa mga umaresto sa akusado, na nagsimulang umasim ang relasyon ng akusado at ng ginang matapos mambabae umano si Rosales at noong taong 2019, tuluyang inabandona ng lalaki ang kinakasama sa kabila ng pagkakaroon na nila ng limang anak upang ibahay ang mas batang kasintahan.

Noong una’y nagpapadala pa ng sustento si Rosales para sa limang bata subalit nang mawalan ng trabaho bunga ng pandemya, natigil na ang pagbibigay niya ng sustento hanggang sa sampahan siya ng kaso ni Gina noong Disyembre ng taong 2021.

Nang maglabas na ng warrant of arrest si Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Catherine Therese Tagle-Salvador ng Branch 73 laban kay Rosales nito lamang Agosto 11, 2021, kaagad na iniutos ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot kay Warrant and Subpoena Section chief P/CMSgt. Gilbert Bansil ang pagtugis sa akusado.

Dakong alas-9 ng gabi nang maisilbi nina P/SMSgt. Joey Sia at P/SMsgt. De Leon kay Rosales ang arrest warrant sa kanyang tirahan sa 144 Arasity St. Bgy. Tinajeros.

AUTHOR PROFILE